Home HOME BANNER STORY “Ruta for sale” may kumpas sa DOTr, Malakanyang – Tumbado

“Ruta for sale” may kumpas sa DOTr, Malakanyang – Tumbado

MANILA, Philippines – Isiniwalat ng isang dating executive assistant sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang katiwalian laban sa mga opisyal ng ahensya na nagsasagawa ng “ruta for sale” scheme.

Sa isang pulong balitaan noong Lunes, sinabi ni Jeffrey Tumbado, na naging executive assistant ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, na sa ilalim ng “ruta for sale” kailangang magbayad ang mga operator sa transport officials ng hanggang ₱5 milyon para makakuha ng mga ruta, prangkisa, at mga espesyal na permit, bukod sa iba pa.

“Kapag ikaw ay operator, gusto mong makuha itong daan na ito lalo na sa probinsya, magre-request ka tapos kung gusto mong mapapasaiyo iyan kahit hindi pwede, hanapin mo ko tapos ayun na,” pagsisiwalat niya.

Aniya, bukod kay Guadiz, may iba pang matataas na opisyal mula sa Department of Transportation (DOTr) at Malacañang na nag-utos na kolektahin ang pera.

Target ni Tumbado na magsampa ng kaso laban sa mga opisyal ng LTFRB na sangkot sa katiwaliang ito at ang transport group na Manibela ang magiging co-complainant niya.

Bukod sa kanyang testimonya, sinabi ni Tumbado na may hawak siyang mga ebidensya kabilang ang mga screenshot ng mga text message at audio recording ng mga pag-uusap na may kaugnayan sa umano’y tiwaling gawain.

Sinabi ng dating opisyal ng LTFRB na siya ay isang “middleman” para sa iskema. Dagdag pa niya, maging ang mga regional officials ng LTFRB ay may quota na ₱2 milyon na ibibigay sa central office.

Si Tumbado ay nagsilbi bilang executive assistant noong Pebrero ngunit sinabi niyang nagbitiw siya noong Setyembre matapos ma-demote at ilipat sa isang opisina para sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

Sa ikinasa namang LTFRB news conference, pinasinungalingan ni Guadiz ang alegasyon: “Pero kung meron po hahaharapin po natin, malinis po ang ating kalooban.”

Samantala, sinabi naman Transportation Secretary Jaime Bautista na maglulunsad ang DOTr ng imbestigasyon hinggil sa isyu.

“While we are already evaluating the alleged irregularities involving [Chairman Guadiz], we also issued a notice to explain against Guadiz for him to shed light on the allegations.” RNT

Previous articleAktibong kaso ng COVID tumaas sa 3,062; 187 dagdag-kaso
Next articleP12.7B cash aid ni PBBM sa mga magsasaka pinuri ni Tolentino