MANILA, Philippines – Binawi ni Whistleblower Jeff Tumbado nitong Miyerkoles ang kanyang mga alegasyon ng katiwalian laban kay Transportation Secretary Jaime Bautista, at Land Transportation Franchising and Regulatory Board chairman Teofilo Guadiz III.
“After a careful reflection and deliberation, it is my honest desire to reiterate whatever allegations may have been said during the press conference on October 9, 2023 where the public declaration was made were all unintentional and misguided,” ani Tumbado sa affidavit.
“All of the things said were borne out of impulse, irrational thinking, misjudgment, poor decision making,” aniya pa.
Nauna nang idineklara ni Tumbado na si suspended LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III ang naghahatid pa umano ng pera corruption money kay Bautista.
Iginiit din niya na sinabihan siya ni Guadiz na may dalawang kongresista din ang kumukubra ng P5 milyon mula sa mga transaksyon tulad ng pagbubukas ng mga bagong ruta o prangkisa.
Ayon kay Tumbado, inilabas niya ang bagong pahayag bilang isang paraan ng paghingi ng tawad.
“I have issued this sworn statement as a form of public apology in favour of Chairman Teofilo Guadiz III, Secretary Jaime Bautista, of the DOTr, and to the Office of the President,” dagdag pa ni Tumbado.
Sinabi ni Tumbado na wala siyang “malisyosong intensyon na sirain ang integridad at reputasyon” ng sinomang indibidwal.
Sa kabila nito, nanindigan aniya siya na may mga problema sa DOTr na nangangailangan ng agarang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Si Guadiz ay sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Lunes matapos lumabas ang mga alegasyon. Itinanggi ni Guadiz ang mga paratang.
Itinanggi rin ni Bautista na may kinalaman siya sa umano’y graft at sinabing hindi niya pinapayagan ang katiwalian sa DOTr. RNT