MANILA, Philippines- Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Romeo Brawner Jr. nitong Martes na hindi kailangang pairalin ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa United States sa gitna ng kolisyon kamakailan sa pagitan ng Philippine at Chinese vessels malapit sa Ayungin Shoal.
“Iyong ganitong mga sitwasyon hindi pa po kailangang i-invoke iyong MDT,” aniya sa isang panayam.
Ani Brawner, kailangan ng mas matinding pag-atake, tulad ng sinasadyang pagbangga sa Philippine ships sa teritoryo ng bansa, upang kailanganin ang pagkakasa ng MDT.
“Pero kung iyong mga ganito lang na maliliit na pagbangga ay hindi muna,” giit niya.
Nakasaad sa MDT sa pagitan ng US at ng Pilipinas na sakaling magkaroon ng armed attack sa alin man sa dalawang bansa sa Pacific Area, kabilang ang South China Sea, kailangang harapin ng dalawang nasyon ang banta alinsunod sa kanilang constitutional processes.
Bumangga ang China Coast Guard (CCG) vessel nitong Linggo sa Armed Forces of the Philippines (AFP)-contracted boat patungo sa Ayungin Shoal na naghatid ng supply sa mga tauhan ng BRP Sierra Madre.
Sa parehong misyon, “binangga” rin umano ng Chinese maritime militia vessel 00003 (CMMV 00003) ang Philippine Coast Guard (PCG) vessel MRRV 4409.
Matatagpuan ang Ayungin Shoal 105.77 nautical miles mula sa Palawan at bahagi ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas at continental shelf sa ilalim ng United Nations convention.
Ipinatawag ng Department of Foreign Affairs si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian kasunod ng insidente.
Bilang tugon, sinabi ni Chinese Embassy Deputy Chief of Mission Zhou Zhiyong said na inihayag niya ang “strong dissatisfaction and firm opposition of the Chinese side to the Philippine side over its vessels’ intrusion over its so-called waters.”
Nanindigan si Zhou na ang Ayungin Shoal, na tinawag niyang Ren’ai Jiao, “is part of China’s Nansha Qundao and China’s territory.” RNT/SA