Home NATIONWIDE Sa halip isuspinde, SIM registration, pinahihigpitan sa NTC vs scammers

Sa halip isuspinde, SIM registration, pinahihigpitan sa NTC vs scammers

298
0

MANILA, Philippines – Inatasan ni Senador Alan Peter Cayetano kamakailan ang National Telecommunications Commission (NTC) na higpitan at pahusayin ang proseso ng SIM registration sa halip na itigil ito upang tuluyan nang masugpo ang text scammers.

Kasunod ito ng insidente kung saan nai-register ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang SIM gamit ang mukha ng isang unggoy.

“Sa akin baligtad: hindi itigil muna – higpitan nila,” sagot ni Cayetano nang tanungin ng mga reporter sa isang panayam.

“Mas dadami pa ang loko-loko diyan ‘pag walang registration,” dagdag niya.

Ibinunyag ng NBI sa isang pagdinig ng Senado noong Setyembre 5, 2023 ang ekperimentong ginawa ng Cybercrime Division nito kung saan matagumpay nilang nairehistro ang ilang SIM card gamit lang ang larawan ng isang nakangiting unggoy.

Ani Cayetano, mapipigilan ng NTC ang mga ganitong pangyayari kung “sasampolan” ng ahensya ang mga mahuhuling SIM card users na gumagawa nito.

“Ang Pilipino mahilig sa ‘sample.’ Sampolan mo lang y’ung isa. Kung nakita mong hayop [ang ginamit na litrato] hanapin mo. May address naman y’un, may name. Tapos kasuhan mo,” aniya.

Hinimok din ng independent senator ang NTC na makipagtulungan sa iba pang mga ahensya tulad ng Philippine National Police (PNP) at Department of Information Communication Technology (DICT) na subok na ang online system.

Iminungkahi din niya na ang pagpaparehistro ng SIM ay isama sa National ID system upang gawing mas simple at mas maaasahan ang pagbeberipika.

“Ang PNP magaling na ang kanilang cybercrime unit. Ang DICT napakagagaling ng mga tao diyan. At saka [i-connect] y’ung National ID,” aniya.

Ani Cayetano, imposibleng mapigilan ang lahat ng mga posibleng security breach sa panahon ngayon, pero maaaring malutas ang “karamihan sa problema” sa proseso ng SIM registration kung gagamitin ang National ID system.

Hinikayat din niya ang NTC na makipag-ugnayan sa Senado at House of Representatives upang iulat ang “lapses” sa proseso para mapalakas ng Kongreso ang batas para rito.

“We’re humans. Later on baka pati AI (artificial intelligence) can register their own SIM cards – we don’t know. But if we solve 99 percent of the problem, OK na y’un,” aniya. Ernie Reyes

Previous articlePH Maritime zone law, magpapalakas sa depensa vs China sa WPS – Gatchalian
Next articleAma na nambugbog, pumatay sa anak hawak na ng MPD

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here