Home NATIONWIDE Sa halip na rosas, bigas ibigay ngayong Valentine’s Day – DA

Sa halip na rosas, bigas ibigay ngayong Valentine’s Day – DA

MANILA, Philippines- Hinikayat ng Department of Agriculture (DA) ang publiko na magregalo na lamang ng bigas sa kanilang mga mahal sa buhay sa halip na bulaklak bilang pagdiriwang sa Araw ng mga Puso, sa Miyerkules, Pebrero 14.

Ang katwiran ni DA Undersecretary Roger Navarro sa isang panayam matapos ang press briefing sa Malakanyang, hindi naman kasi nakakain ang bulaklak.

”Ang dapat iregalo natin sa Valentine’s Day sa ating mahal sa buhay, bigas, huwag na ‘yung flowers kasi di makain ‘yun. Matinik pati, kasi ang rosas matinik. Pero matamis ang bigas. Bigas pa more,” ayon sa DA Undersecretary.

Sa ulat, sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes na sapat ang suplay ng bigas sa bansa sa unang kalahati ng taon dahil sa imports at inaasahang ani.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., magiging matatag din ang presyo ng bigas sa unang kalahati ng taon.

“We have enough rice supply so prices should remain stable through the first half of the year. Our priority now is market stability,” pahayag ni Tiu-Laurel.

Subalit, sinabi ng DA na posibleng tumaas ang presyo ng bigas pagsapit ng Setyembre dahil sa nakaambang epekto ng El Niño sa bansa, maging international demand.

Ayon pa sa DA chief, magiging alerto ang departamento laban sa rice profiteers na magho-hoard ng rice supplies, na makapagpapataas sa presyo nito.

“What we need to guard against now are profiteers who may attempt to exploit the situation by using El Niño as an excuse to hoard rice supply to push local prices to unreasonably high levels,” dagdag niya.

Gayundin, sinabi ng ahensya na para sa Disyembre at Enero, nag-angkat ang bansa ng 750,000 metric tons ng bigas. Kris Jose

Previous articleDonor ng P55M sa ‘EDSA-pwera’ TV ad, ayaw ilantad ng PIRMA
Next articlePCG nag-deploy ng karagdagang K9 units para sa Maco retrieval ops