MANILA, Philippines – Patuloy na makatatanggap ang mga health workers ng kanilang COVID-19 allowances sa kabila ng pagkapaso o pagtatapos ng state of calamity sa bansa dahil sa pandemya.
“Tuloy-tuloy ‘yan… Yung inaalala ko dati na hindi matutuloy ang compensation para sa ating health workers, ‘yung mga health workers, ‘yung allowance nila ay pinag-aralan namin nang mabuti kahit hindi itinutuloy ang state of calamity ay hindi maapektuhan ang pagbayad doon sa ating mga health workers ng kanilang mga benefits,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos na makipagpulong sa mga health officials sa Palasyo ng Malakanyang.
Matatandaang, tinintahan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Proclamation No. 929, nagdedeklara ng state of calamity sa buong bansa noong Marso 2020, nang magsimula ang COVID-19 na lumaganap sa bansa.
Ang state of calamity ay dapat na nagtapos sa loob ng anim na buwan subalit in-extend ng isang taon o hanggang Setyembre 12, 2021, sa pamamagitan ng Proclamation No. 1021, at inextend sa ikalawang pagkakataon sa pamamagitan ng Proclamation No. 1218.
Binanggit din ng Pangulo ang COVID infection situation sa bansa, sabay sabing tinalakay niya sa mga health officials ang procurement ng bakuna.
“The COVAX facility, co-led with World Health Organization (WHO),shipped to the Philippines almost 1.3 million doses of the vaccine,” ayon sa Pangulo.
Sa ngayon ang nasabing bilang ng bakuna ay sapat pa, habang pababa naman ang bilang ng infections sa bansa base sa kamakailan lamang na records.
“Pababa naman nang pababa ang ating cases, pababa nang pababa naman ang ating hospitalization, ‘yun ang binabantayan natin. So titingnan natin,” ani Pangulong Marcos.
“Hindi na kailangan kagaya ng 2021 na lagi tayong nagmamadali makakuha ng vaccine dahil pabawas na ‘yung risk, so dapat naman eh mag-adjust din tayo doon sa kung ano ba talaga ang scientific na assessment doon sa sitwasyon ng COVID,” dagdag na wika nito. Kris Jose