Home OPINION SA KAPAYAPAAN AKO PERO ‘DI KO MAIWASANG MAGDUDA

SA KAPAYAPAAN AKO PERO ‘DI KO MAIWASANG MAGDUDA

SA isang nakagugulat na buwelta ng kasaysayan, nagkasundo ang gobyerno ng Pilipinas at ang National Democratic Front  na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan, senyales ng hindi inaasahang pagtutulungan makaraan ang ilang dekadang labanan.

Pero ikinataas ito ng kilay ng ilan at nagbunsod nang nababahalang pagbabalik-tanaw. Maliwanag ang irony: ang parehong mga komunista na sumumpang pababagsakin ang administrasyong Marcos noong dekada ’70 ang pupwesto ngayon sa negotiating table kaharap ang anak na lalaki ng mismong taong iyon. Magandang malaman na pareho silang determinadong tugunan ang mga problemang panlipunan, pang-ekonomiya, at mga bantang panlabas, pero hindi basta na lang makakalimutan ang makasaysayang alitan sa pagitan nila.

Ang pagdistansiya ni President Bongbong sa mga polisiya nang hinalinhan niyang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nagbubunsod din ng mga katanungan tungkol sa tunay na motibo ng mga komunista. Gaya halimbawa, ng usapin sa banta mula sa labas ng bansa — ang China, siyempre pa — na magsisilbing catalyst sa dayalogo sa pagitan ng mga mortal na magkaaway sa aspetong politikal at sandatahan simula nang magtapos ang Batas Militar sa Pilipinas.

Sa pagpapalit-palit ng mga administrasyon, simula noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino, ang usapang pangkapayapaan sa NDF ay lagi nang nauuwi sa wala. Ngayon, bigla na lamang nagbago ang ihip ng hangin? Sadsad ngayon ang Communist Party of the Philippines–New People’s Army, kung kailan ang mismong mga inisyatibong pangkaunlaran ng gobyerno ay pumapawi sa kawalang kakuntentuhan ng mga maralita, na minsan nang sinamantala ng insurhensiya.

Ang hamon ay nakatuon sa pagninilay kung ang negosasyon bang ito ay para sa tunay na pagkakasundong pangkapayapaan o isang estratehikong hakbangin ng mga komunista upang makaagapay sa nagbabagong sitwasyon ng politika sa bansa. Sa pagbubuo nila ng framework, importanteng matukoy ang pabago-bagong dynamics at manatiling nag-iingat. Hindi ganoon kadaling mapaglaho ang multo ng isang 50-taong labanan, at mahalagang suriing mabuti ng publiko ang hindi inaasahang alyansang ito sa konteksto ng kasalukuyang reyalidad — isang mahina nang CPP-NPA at mga proyekto ng gobyerno na nakatuon sa pagpapaamo sa makasaysayan nilang hindi pinagkasunduan.

Mga traydor sa media

Sa isang panayam kamakailan sa DZRH, naghimutok si Senator JV Ejercito sa pagpabor ng ilang tagasuporta ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa kapakanan ng China kaysa ating bansa. Binanggit niya ang isang grupo ng mga manunulat at social media influencers na pro-Duterte na sumabak daw sa dalawang linggong libreng biyahe patungong Beijing.

“Baka nadoktrina ang mga ‘yun,” sinabi ng senador, idinagdag na ang mga mamamahayag na ito ay bigla na lang daw naging mainit sa pambabatikos sa kanya, kay Philippine Coast Guard Commodore Jay Tarriela, at kay Defense Secretary Gilbert Teodoro dahil sa mga komento nila kontra China.

Tinukoy pa ng senador ang mapagkakatiwalaang intel mula sa mga security officials ng gobyerno sa pagsasabing ang ilan daw sa mga Pilipinong ito na may media following ay posibleng nasa payola ng Chinese Communist Party at ang biyahe nila kamakailan sa Beijing, na ginastusan daw ng National Radio and Television Administration ng CCP, ay hindi nagkataon lamang.

Siyempre pa, nakadidismaya ang impormasyong ito. Mag-ingat sa mga dating makabayan kuno na bumibira ngayon sa mga kapwa nila Pilipino na kritikal sa China sa paraang nakapanlulumo ang wala sa lugar na loyalty.

Ang pagmamahal sa bayan ay dapat lang na matimbang kaysa anomang pagpabor sa dayuhan. I-unfollow natin at tuluyan nang alisan ng media platforms ang mga traydor na ito.

*        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

 

Previous articleMGA NAKATATANDA PINAYUHAN NA MAGPABAKUNA KONTRA PNEUMONIA
Next articleSSS taps Landbank and DBP as its fund managers