MAGKAHALONG lungkot at sukdulang inis ang nararamdaman ngayon ng bawat ‘Pinoy matapos ang insidente nang pambobomba ng tubig na kinasasangkutan ng isang barko ng Chinese Coast Guard laban sa inarkilang maliit na sasakyang pandagat na maghahatid sana ng pagkain,tubig at iba pang pangangailangan ng mga sundalo na nakatalaga sa Ayungin Shoal na napaloloob naman sa Exclusive Economic Zone ng bansa sa West Philippine Sea, batay sa desisyon ng UN Arbitral Tribunal na inilabas noong 2016.
Nanggagalaiti ang taumbayan sa pangyayari bunsod sa matagal na nga tayong binabalahura ng mga mapang-aping Tsino at patuloy pa tayong ginagawang alipin sa sariling nating teritoryong wala man tayong magawa kundi ang magpalabas ng protesta at magpasaklolo sa mga kaalyadong bansa kabilang ang United States dahil na rin sa wala tayong lakas upang labanan ang China sa pamamagitan nang pagpapadala ng puwersa armada nito sa WPS.
Kawawa talaga ang bansa natin na tila parang kuto na kayang tirisin anomang oras ng mala- agilang Tsina nang inangkin ang kabuuang lugar sa WPS na kung hihimay-himayin ang hawak na dokumento ay imposibleng sa kanila ang karagatan na ‘yun dahil napakalayo na sa mainland China.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang malawak na gas deposit at kargadong lamang-dagat nito ang tunay na dahilan ng pag-aangkin ng higanteng bansa para ipakain sa milyon-milyong nasasakupan nitong itinuturing pa rin na may pinamakalaking populasyon sa buong mundo.
Bagaman todo-depensa ang gobyerno laban sa pang-aapi ng Tsina, masaklap tanggapin na hanggang reklamo na lang ito bunsod sa salat sa kakayahan ang Pilipinas upang labanan ang abusadong dayuhan.