Home OPINION SAAN NANGGAGALING KUMAKALAT NA DROGA?

SAAN NANGGAGALING KUMAKALAT NA DROGA?

KAHAPON, binanggit nating nagsisibalikan ang droga sa mga barangay, lalo na sa Mega Manila.

Binubuo ang Mega Manila ng Metro Manila at mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna.

Sa mga nakakausap ng ating Uzi sa mga lugar na ito, malaki ang ibinawas ng droga at may mga barangay talaga na ganap na nawalan ng droga noong panahon ni Pangulong Mayor Digong Duterte.

Pero ngayon, aktibo na aktibo ang mga tulak sa pagpapalaganap ng kanilang mga iligal, nakasisira-ulo at nakamamatay na kalakal.

TALIWAS SA ULAT?

Sabi ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency, halos 28,000 barangay na mula sa 42,000 barangay sa buong Pinas ang drug-cleared na simula noong Hulyo 1, 2022 na pag-upo sa Malakanyang ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sa saktong ulat, lalo ang PDEA, may 27,968 “drug-cleared” na barangay mula Hulyo 1, 2022 hanggang Nobyembre 30, 2023 at may 7,543 pang nililinis na barangay.

May natitira pang mahigit 7,000 din at hindi malinaw sa ulat kung ano ang estado ng mga ito.

Kasabay ng ulat ang matatagumpay na pagkasabat ng malalaking bulto ng droga na nanggagaling sa iba’t ibang bansa.

Kabilang dito ang pinakamalaking bulto na nasabat sa Manila International Container Terminal, Isla Puting Bato, Brgy 20, Tondo, Manila na 323,184 grams at nagkakahalaga ng P2.2 bilyon noong Oktubre 2023.

Malaking bulto na rin ang nasabat na P18M cocaine mula sa isang Pinay noong Agosto 2023 Ninoy Aquino International Airport, P76 milyong cocaine sa NAIA mula 2 Singaporean noong Setyembre 28, 2023 at P47M cocaine pa rin mula sa isang Bolivian nitong Nobyembre 2023 sa NAIA pa rin.

Sunod-sunod din ang pagkakasabat ng P1.9M ecstacy tablets sa NAIA Pasay nitong Nobyembre 2023 at P5M ecstacy noong Hunyo, 2023 sa NAIA pa rin.  

PERO SAAN GALING ANG MGA KUMAKALAT?

Ang gagaling ang mga pulis ni PNP chief Benjie Acorda at mga PDEA agent ni Usec at ex-Gen. Moro Virgilio Lazo sa pag-amoy sa mga droga at kumpiskahin ang mga ito.

Pero saan nanggagaling ang napakakalat ng mga tulak at druglord na dahilan ng pagdami muli ng mga adik at tulak?

Itong P2.2B droga, wala pang malinaw kung sino-sino ang mga nasa likod nito.

Baka naman sa mga susunod na araw, eh, matutulad ito sa P6.7B nakumpiska sa isang pulis noong Oktubre 2022 na ikinasibak ng ilang heneral sa PNP, kasama ang nasa 17 koronel.

O kaya naman, sa ikinasibak ng mataas na opisyal ng PDEA Southern District Office noong Disyembre 2022 dahil sa pagbebenta mismo ng mahigit isang kilong shabu sa PNP poseur-buyer?

Previous articleBISA NG DASAL VS GIYERA
Next articleSuplay ng bigas ng Pinas sapat ‘gang susunod na ani – DA