MANILA, Philippines – Apektado na ng volcanic fog o vog dahil sa pag-alburoto ng Taal Volcano ang ilang bahagi ng Batangas, Cavite, at maging ang Laguna dahilan para magsuspinde ng klase ang mga lokal na opisyal at trabaho sa gobyerno.
Sinabi ni Dr. Amor Calayan, pinuno ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, na dalawang linggo nang nakakaapekto ang vog sa ilang mga bayan sa probinsya.
Ang mga kondisyon ng zero visibility ay iniulat sa Tuy, Balayan, Lian, at Nasugbu sa Batangas
Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology nitong Biyernes na hindi pa masasabi kong hanggang kailan magpapatuloy ang vog.
Upang makaiwas sa vog kailangan manatili sa loob ng bahay upang hindi malantad sa sulfur dioxide exposure.
Hindi rin pinapayuhang lumabas ng bahay ang mga immunocompromised groups tulad ng may asthma, heart at lung conditions, mga bata at nakatatanda at mga buntis .
Kung kinakailangan namang lumabas ng bahay ay mainam na magsuot ng N95 face masks upang malimitahan ang paglanghap ng sulfur dioxide at iba pang volcanic debris .
Tiyaking sarado ang lahat ng pinto at bintana sa loob ng iyong mga tahanan.
Panatilihin ang pag-inom ng tubig upang maalis ang anumang pangangati sa iyong system at para ma-relax ang iyong respiratory system.
Kung apektado ng vog sa pamamagitan ng matagal na pagkakalantad o posibleng mga labi ng bulkan, ang unang hakbang ay hugasan ang mga mata ng malinis na tubig upang maalis ang anumang kemikal na maaaring nakaapekto dito.
Kaagad na hugasan ang mga kamay at balat nang maigi gamit ang maligamgam na tubig at sabon upang maalis ang anumang kemikal na maaaring naipit. Agad ding palitan ang damit at labhan kapag naapektuhan ng volcanic gas.
Kung nalantad sa mataas na konsentrasyon ng volcanic chemical ang pasyente ay dapat dalhin kaagad sa isang malawak na espasyo na may sariwang hangin.
Kung magpapatuloy ang hirap sa paghinga, ang pasyente ay kailangang dalhin agad sa ospital o barangay health centers.Panatilihing kalmado ang pasyente.
Ang Taal Volcano ay nanatiling nasa Volcanic Level 1 o “low level unrest” at nanatiling under observation matapos ang limang volcanic tremors na tymatagal ng hanggang 575 minuto mula noong Huwebes Hanggang Biyernes at naobserbahan ang pagtaas ng mainit nanlikido ng bulkan sa Main Crater Lake.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)