Sahod ngayong Abril ng mga opisyal ng P’que, ilalaan sa apektado ng ECQ

Sahod ngayong Abril ng mga opisyal ng P’que, ilalaan sa apektado ng ECQ

April 8, 2020 @ 12:38 PM 2 months ago

  •  
  •  
  •  
Share

Manila, Philippines – Makaraang ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang ido-donate ang isang buwan niyang sahod para sa mga mamamayan na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) ay kabi-kabila na ang sumunod sa aksyon ng lider ng bansa.

Sa naturang pahayag ng pangulo ng bansa ay nagkaroon ng pagkakataon si Parañaque City Treasurer Anthony ‘Anton’ Pulmano na sumunod sa magandang ehemplo na ipinakita ni Pangulong Duterte na siyang nagmungkahi kay Mayor Edwin L. Olivarez na siya namang agad na sumang-ayon kay Pulmano.

Makaraan ang pagsang-ayon ni Olivarez ay nanawagan naman si Pulmano sa iba pang opisyal ng lungsod na agad din namang sumang-ayon sina Vice-Mayor Rico Golez at City Administrator Atty. Fernando ‘Ding’ Soriano kung saan napagkasunduan ng mga ito na i-donate ang kanilang sahod sa buwan ng Abril.

Ang iba pang opisyal ng lungsod na nangakong magdo-donate ng kanilang sahod sa buwan ng Abril ay sina Business Permit and Licensing Office chief Atty. Melanie Malaya; City Accountant Malou Tanael; City Health Office chief Dr. Olga Virtucio; City Budget Office head Ronnie Depano; City General Services Office (GSO) chief Lisa Pojanes; City Engineer Aser Mallari; City Assessor Joey del Rosario; City Building Official head Engr. Jamela; City Legal Officer Rommel Frias at ABC President Kap. Cris Aguilar.

Ayon kay Pulmano, ang ginawang kilos na ito ng mga opisyal ng Parañaque na pinangunahan ni Mayor Olivarez ay nagpapakita ng kanilang pagkakaisa bunsod sa panawagan ni Duterte na tumulong hanggang sa kanilang makakaya ang mga mahihirap, mga frontliners at iba pang sector na matinding naapektuhan ng ECQ.

“Sa panahon ngayon kung saan nahaharap tayo sa krisis pangkalusugan ay nararapat tayong magtulungan upang maipakita ang ating pagkakaisa para sa ating Bayanihan ‘To Heal As One’ act habang sabay-sabay nating hinaharap ang pakikipaglaban sa virus na dulot ng COVID-19,” ani Pulmano.

Sa kasalukuyan, ang Parañaque ay mayroon nang 155 na kaso ng nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) habang pumalo naman sa 14 na ang namamatay.

Ang bilang ng mga persons under investigation (PUIs) sa lungsod ay umabot na sa 368 samantalang 424 naman ang naitalang persons under monitoring (PUMs). James I. Catapusan

Share

Leave a Reply

Loading...