Home NATIONWIDE Salary hike, tax-free stipends sa lahat ng guro, inihirit sa Senado

Salary hike, tax-free stipends sa lahat ng guro, inihirit sa Senado

MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Senador Nancy Binay ang pagsasabatas ng dalawang panukala na magtataguyod sa kagalingan ng pampublikong guro kabilang ang pagtataas ng minimum salary at pagbibigay ng tax-free stipends.

Sa pahayag, sinabi ni Binay na mahalagang maipasa kaagad ang dalawang panukalang batas bilang pagpapahalaga sa papel na ginampanan ng guro sa paghubog ng kaisipan at kamalayan ng kabataan.

“Umaasa akong maipasa na ang mga panukalang batas na sinusulong ang kapakanan ng mga guro bilang pagpapasalamat sa serbisyong ginagawa nila. Mas magiging makabuluhan ang ganitong aksyon kaysa simpleng pagbati lang ng Happy Teachers’ Day,” ayon kay Binay.

Pangunahing awtor si Binay ng Senate Bill No. 339, na nagpapanukalang itaas ang halaga ng monthly minimum wage ng guro at non-teaching personnel, at SBN 2370, na nananawagan sa tax exemption sa lahat ng honoraria, allowances, at iba pang financial benefits na natatangap ng guro sa pagseserbisyo tuwing halalan.

Sakaling maipasa, itataas ng SBN 339 ang minimum salary ng public school teachers sa elementary at secondary schools mula P25,439 tungo sa P28,000 kada buwan.

Itataas din ang minimum salary ng non-teaching personnel sa elementarya at sekondarya mula P12,517 tungo sa P16,000 kada buwan.

Inaatasan naman ng SBN 2370 na hindi kukunan ng buwis ang lahat ng honoraria, allowances, at iba pang financial benefits na ibinibigay sa guro sa kanilang serbisyo tuwing halalan at hindi kasali sa pagtutuos ng gross income.

Ayon kay Binay, malaki ang maitutulong nito sa pagpapahalaga sa serbisyo ng guro na makaagapay sila sa tumataas na halaga ng pamumuhay.

“Currently, what our teachers receive is not commensurate to the workload that they have no choice but to deliver. Kaya’t marami sa ating mga guro ang nababaon sa utang dahil kinakapos ang kita para sa kanilang pamilya,” aniya.

Nakabinbin ang dalawang panukala sa komite. Ernie Reyes

Previous articlePag-atake ng Hamas sa Israel mariing kinondena ng Kamara
Next articlePag-atake ng Hamas sa Israel, kinondena sa Senado