Home NATIONWIDE Samboy Lim, Romy Vitug pinarangalan sa Senado

Samboy Lim, Romy Vitug pinarangalan sa Senado

MANILA, Philippines- Kapwa pinarangalan ng Senado sa pamamagitan ng magkahiwalay na resolusyon ng pagkilala sina Avelino “Samboy” Lim, tinaguriang “skywalker sa Philippine Basketball, at Romy Vitug, tanyag at premyadong photographer at filmographer sa kanilang kontribusyon sa larangan ng sports at sining, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Sa magkahiwalay na resolusyon, sinabi ni Senador Jinggoy Estrada na dapat parangalan si Lim, mas kilalang “skywalker,” dahil sa ipinamalas na kagalingan at pagmamahal nito sa larong basketball na pahahalagahan sa mga susunod na henerasyon.

Kasabay nito, inihain din ni Estrada ang resolusyon na nagpapahayag ng pakikiramay at pakikidalamhati ng Senado sa pamilya ng yumaong si Romeo “Romy” Vitug, isang alamat na lensman at sikat na cinematographer.

Binigyan-diin ito ni Estrada sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 911 na nagpapahayag ng pakikiramay at pakikidalamhati ng Senado sa pagpanaw ni Lim, na nasa hanay ng 25 na pinakamagaling na manlalaro sa kasaysayan ng Philippine Basketball Association (PBA).

Si Lim ay sumakabilang-buhay noong Disyembre 23 sa edad na 61.

“Ang kanyang ipinakitang pagmamahal at dedikasyon sa larong ito sa pamamagitan ng kanyang kahusayan sa bawat laro ay nagbigay inspirasyon sa kanyang mga tagahanga at nakababatang henerasyon ng mga atleta. Malaki rin ang naging ambag nito sa pag-angat ng Philippine basketball,” sabi ng senador.

Tinawag na “The Skywalker” si Lim dahil sa kanyang gravity-defying moves at matataas na pagtalon sa mga laro noong 1980s at 1990s. Siya ay ginawaran ng pinakaunang PBA Sportsmanship Award noong 1993 dahil sa kanyang ethical behavior, malinis na paglalaro at integridad.

Noong 2016, isinunod sa kanyang pangalan ang nasabing award at tinawag itong Samboy Lim PBA Sportsmanship Award bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa larong basketball.

Unang nakilala si Lim noong siya ay manlalaro pa sa Colegio de San Juan de Letran at naging parte ng tatlong sunod-sunod na pagiging kampeon nito sa National Collegiate Athletic Association (NCAA). Siya rin ay nahirang na Most Valuable Player (MVP) ng koponan noong 1984.

Makalipas ang dalawang taon, naging bahagi si Lim ng San Miguel basketball franchise, kung saan siya ay naglaro sa loob ng 11 taon ng kanyang professional stint. Sa loob ng panahong ito, naging champion ang San Miguel ng siyam na beses, kabilang na ang pambihirang Grand Slam noong 1989. Nakamit din niya ang limang PBA All-Star appearances at dalawang PBA Mythical Second Team Selection.

Bilang miyembro ng mga pambansang koponan na naglalaro para sa bansa sa iba’t ibang pandaigdigang kompetisyon, nagbigay si Lim ng karangalan sa bansa nang maipanalo nila ang gintong medalya noong 1983 Southeast Asian (SEA) Games sa Singapore, 1985 SEA Games sa Bangkok, at 1985 Asian Basketball Confederation (ABC) Championship title sa Kuala Lumpur; silver medal sa 1990 Asian Games sa Beijing; at bronze medal sa 1986 Asian Games sa Seoul.

Matapos magretiro, itinatag naman ni Lim ang kanyang Skywalker Basketball Clinic kung saan ibinahagi niya ang mahahalagang kasanayan at aral sa mga batang manlalaro.

Ang pagpanaw ni Lim ay isang malaking kawalan hindi lamang sa kanyang pamilya kundi pati na rin sa buong bansa, ani Estrada.

Vitug, alamat ng lente

Kasabay nito, inihain din ni Estrada ang Senate Resolution No. 908 na nagpapahayag ng pakikiramay at pakikidalamhati ng Senado sa pamilya ng yumaong Romeo “Romy” Vitug, isang alamat na lensman at sikat na cinematographer.

Sa kanyang resolusyon, hiniling ni Estrada ang pagkilala ng Senado sa mahalagang ambag ni Vitug sa industriya ng pelikulang Pilipino.

“Ang walang kapantay na artistry at detalyado ni Vitug, hindi pagkokompromiso sa pagtututok sa kahusayan at kasanayan ang dahilan kung bakit siya ay isa sa mga pangunahing personalidad na malaki ang naitulong sa pagpapayaman at pagpapaunlad ng pelikulang Pilipino. Ang kanyang pagpanaw ay isang malaking kawalan sa industriya ng pelikula at sa sambayanang Pilipino,” ayon sa senador.

Bukod sa kanyang kahanga-hangang filmography, malaki rin ang naging ambag ni Vitug sa mga adbokasiya para mapaunlad ang lokal na industriya ng pelikula, tulad ng “Sagip Pelikula” film restoration project at anti-piracy information campaign ng Optical Media Board (OMB),” sabi ni Estrada.

“Ang pambihirang pagkamalikhain at teknikal na kasanayan ni Vitug na hinasa ng maraming taon ng pagsusumikap, pagbabago at disiplina ay mga mahahalagang kasanayan para sa epektibong pagsasalaysay ng mga pelikulang Pilipino,” patuloy niya.

Nagsimula si Vitug bilang isang photographer para sa mga pahayagan, naging newsreel cameraman para sa isang television network at stillman na kumukuha ng mga larawan ng mga tampok na pelikula para sa promotional materials bago sumabak sa cinematography kung saan sumikat dahil sa kanyang kasanayan sa lighting, framing at komposisyon.

Sa kabuuan ng kanyang kahanga-hangang karera, humakot ng mga parangal at pagkilala si Vitug at ito ang nagbunsod para ituring siya na pinakatanyag sa kanyang larangan.

Pinarangalan siya ng Cinemanila International Filmfest ng lifetime achievement award noong 2000, Natatanging Gawad Urian noong 201 at Metro Manila Film Festival (MMFF) Hall of Fame award noong 2019.

Gumawa rin si Vitug ng ilan sa mga hindi malilimutan at epic scenes sa mga pelikulang idinirek ng mga iginagalang na director tulad nila National Artists for Film na si Lino Brocka at Marilou Diaz-Abaya, Celso Ad Castillo, Carlitos Siguion-Reyna, Laurice Guillen at Olivia M. Lamasan.

Matapos ang mahigit na apat na dekadang karera, pumanaw si Vitug noong Enero 18 sa edad na 86. Ernie Reyes

Previous articleP2B inaasahang matitipid mula sa gov’t energy conservation program
Next articleSipag ng Presidential Task Force on Media Security hinangaan ng UN Special Rapporteur