Home HOME BANNER STORY San Juan Mayor Zamorra humingi ng paumanhin, pero pananabotahe sa Wattah fest...

San Juan Mayor Zamorra humingi ng paumanhin, pero pananabotahe sa Wattah fest pinalutang

MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin ang lokal na pamahalaan ng San Juan City sa napaulat na kaguluhan at abala na dala ng tradisyonal na “basaan” sa taunang “Wattah Wattah Festival” noong Hunyo 24.

“Ako po ay humihingi ng paumanhin at pasensya sa mga nangyari ‘yan noong panahon ng aming kapistahan. Alam niyo po ako ay hindi papayag na ang imahe at reputasyon ng lungsod ng San Juan at ng aming kapistahan ay masira ng dahil sa iilang mamamayang nanggulo,” ani San Juan City Mayor Francis Zamora sa isang press briefing.

“Sisiguraduhin ko na lahat niyan ay makasuhan ng nararapat na mga kaso base sa aming mga ordinansa at ganun din base sa Revised Penal Code para matuto sila ng leksyon,” ayon pa sa alkalde.

Sinabi ni Zamora na tinitingnan na ngayon ng mga awtoridad ang mga video at larawan na kumakalat sa online na nagpapakita ng diumano’y kawalan ng pamamalakad mula sa mga residente habang dinidilig nila ang mga inosenteng dumadaan, maging ang mga nasa loob ng sasakyan.

Ang nasabing tradisyon ay bahagi ng pagdiriwang ng patron ng lungsod na si San Juan Bautista.

Ipinunto ng alkalde na ang City Ordinance No. 51, series of 2018 ay nagtatadhana na ang hindi masusunod na pag-uugali sa panahon ng kapistahan ay maaaring parusahan ng multang P2,500 hanggang P5,000, na may hanggang anim na araw na pagkakakulong.

Ayon sa lokal na pulisya, isang reklamo lamang para sa physical injury ang inihain sa ngayon matapos umanong magtapon ng muriatic acid ang isang suspek sa isang indibidwal.

Ngunit sinabi ni Zamora na hindi lahat ng nakagawa ng hindi maayos na pag-uugali sa panahon ng kapistahan ay mga residente ng lungsod dahil maaaring may mga tagalabas na nakiisa sa pagdiriwang.

“Unang una, hindi naman natin ma-identify kung sino ba ang mga pumupunta sa aming kapistahan. Open to all naman po ang aming kapistahan…So potentially, open to sabotage din talaga ang mga ganitong selebrasyon,” ayon pa sa alkalde.

Tiniyak ng alkalde sa mga biktima na matutulungan sila ng lokal na pamahalaan sa paghahain ng mga reklamo.

“Hinihikayat ko po ang ating mga mamamayan na pumunta sa aking opisina, lalo na ang mga naging biktima. Sapagkat mas gusto ko na talagang pumunta sila rito at mag-file sila ng kaso direct po sa ating mga piskal at Revised Penal Code mismo ang gamit sa kanila kung saan mas malaki ang magiging parusa sa kanila, maari silang makulong,” ani Zamora.

Nauna nang naglabas ng paumanhin ang City Tourism and Cultural Affairs Office para sa insidente. RNT