Home OPINION SANA NGAYONG PASKO

SANA NGAYONG PASKO

NAGING pangunahing tradisyon na ang pagsasama-sama ng bawat pamilya saan mang dako ng mundo tuwing Kapaskuhan na simbolo naman ng tunay na kahulugan ng kapanganakan ng itinuturing na Panginoon ng mga Kristiyano.

Dito sa ‘Pinas, ang Pasko ang pinakamahalagang okasyon ng sambayanan bilang kaisa-isang bansa sa Asya na ang mayorya naman ay mga Kristiyano kaya pinaghahandaan ng husto ang pagtitipon na ito.

Ibig sabihin, hindi importante kung tuyo at nilagang kamoteng kahoy o saging ang nasa hapag kainan na nakahanda ngayong ‘Noche Buena’ sa pamamahay ng mahihirap na kababayan dahil ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pagkakabuklod-buklod ng mga pamilya sa araw ng Pasko.

Subalit sa gitna ng pinakaimportanteng okasyon na ito ay ang hinaharap na mga isyu’t suliranin ng mga pobreng mamamayan na pinaniniwalaang balakid sa ordinaryong pamumuhay nila.

Sana ngayong Pasko ay makapagisip-isip ang mga opisyal ng makatotohanang solusyon kung paano matutuldukan ang malawakang sindikato ng iligal na importasyon ng bigas,sibuyas at iba pang agri-products na sadyang pahirap sa taumbayan bunsod sa saksakan ng kamahalan sa mga merkado.

Sana ngayong Pasko ay mapagtanto ng may mga hawak ng renda sa gobyerno na ang ‘Oil Deregulation Law’ na ‘yan ang dagdag penitensya sa ordinaryong mamamayan bunsod sa hindi na kayang kontrolin ng pamahalaan ang presyo ng langis sa bansa tuwing umaangat ito sa pandaigdigang pamilihan.

Sana ngayong Pasko ay mas lalo pang palakasin ng ating puwersa armada ang pagbabantay ng teritoryo sa West Philippine Sea upang tuluyan nang makapangisda ang ating mga kababayan na walang banta  nang pananakot at pambabalahura mula sa mga abusadong Tsino.

At sana ngayong Pasko ay makapagmuni-muni ang mga halal na opisyal na hindi pamumudmod ng regalo sa mga pobreng nasasakupan nila ang sagot sa kahirapan sa halip ay trabaho at klaradong pangkabuhayan ang mag-aangat sa antas ng pamumuhay nila.

Previous article‘YAN BA ANG SAGOT?
Next articleBilang ng repats mula Israel sumampa sa 411 – DMW