
GRABE ngayon ang nagaganap sa hanay ng mga tsuper at maliliit na retailer ng bigas.
Hindi biro-biro ang P80 na isang litro ng gasolina para sa mga tricycle driver, delivery driver at taxi driver habang nasa P70 ang diesel para sa mga jeepney at bus driver.
Eh wala namang dagdag-pasahe para kahit papaano, mabawasan ang malaking gastos sa gasolina at diesel.
Sa parte ng maliliit na vendor ng bigas o retailer, karaniwang kase-kase ang pagbili nila ng bigas na kung itinda nila, eh, kailangang nasa P50 kada kilo para kumita kahit kaunti.
Sa normal na kalagayan, hindi nila kayang ibenta nang palugi ang mga bigas na binili nila nang mahal sa ilalim ng isang kautusan na dapat P41 ang presyo ng regular milled rice at P45 ang well milled rice.
Suma-total, todo-malas ang mga tsuper at rice retailer ngayon sa presyo ng mga produktong petrolyo at bigas at kung magmamani-obra naman sila para mabawasan ang kanilang pagkalugi, makakasuhan naman sila.
Kabilang sa mga maaari nilang gawin na ikasasama ng mga mamamayan at ikalalabag ng batas ang hindi pagbibigay ng tamang sukli o diskwento sa mga estudyante, senior citizen o person with disability…sa hanay ng mga tsuper.
Maaari namang magsara nang tindahan o rambulin ang mga bigas at wala nang regular milled rice kundi pawang mga well milled rice o tatakan ang lahat ng bigas ng hindi regular o well milled rice…sa parte ng mga rice retailer.
Pero kapag nahuli sila, hindi sa kangkungan kundi sa kulungan sila babagsak at hindi basta mapupulot.
Sa ngayon, nagsimula nang mamahagi ang Department of Social Welfare ng nasa P15,000 kada lehitimong rice retailer na biktima habang anomang araw mula ngayon, susunod na ang mga tsuper.
Kulang man sa nakararami sa kanila ang ayuda, anila, mas maganda na rin kaysa sa wala.
Sanaol!