Home METRO Sanggol na tinangay ng babae naibalik na sa magulang

Sanggol na tinangay ng babae naibalik na sa magulang

MANILA, Philippines- Naibalik na ang pitong buwang gulang na sanggol sa kanyang ina mula sa babaeng unang iniulat na tumangay sa paslit noong Biyernes ng hapon sa Ermita, Maynila.

Sa ulat, nakipagkita ang ina ng sanggol na si Alpha Mercado sa babaeng tumangay sa kanyang anak sa Baclaran.

Katwiran ng babae, hindi niya tinangay ang bata kundi napilitan lamang siyang pansamantalang iuwi ito dahil ayaw umanong kunin ng lolo ang sanggol.

Aniya, ibabalik naman niya talaga ang bata dahil hindi naman kanya ang sanggol at siya ay may sariling ring pamilya.

Biyernes nang tangayin ng babae ang sanggol matapos na ipagkatiwala sa kanya ng lolo na hawakan ang bata.

Nauna rito, nasa Plaza Ferguson ang mag-lolo at nakakwentuhan ng matanda ang naturang babae ngunit nang kailanganing gumamit ng CR ng matanda ay ipinahawak umano ang sanggol sa babae.

Gayunman, pagbalik ng lolo ay nawala na ang babae karga ang kanyang apo.

Dito na nag-alala si Mercado dahilan para mag-post sa social media ang kanyang mga kamag-anak at ito ay nag-viral.

Kasunod nito, nagpadala ng mensahe ang babae na sinasabing pinaampon sa knya ng lolo ang sanggol.

Ayon kay P/Major Joemar Mukarram, ang commander ng MPD- Bocobo Sub Station, muling nag-text ang babae nitong Sabado ng alas-6 ng hapon at nakipagkita kay Mercado sa Baclaran LRT para ibalik ang sanggol.

Dagdag pa ni Mukarram, nasa maayos namang kondisyon ang sanggol.

Nagpasalamat naman si Mercado dahil naibalik na sa kanya ang kanyang anak at hindi na rin umano siya magsasampa ng kaso laban sa babae.

Payo naman ng pulisya sa mga magulang na tutukan ang kanilang mga anak upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articlePamangkin tinutugis sa ‘pamamaril’ sa tiyuhin!
Next articleAICS beneficiaries inayudahan