MANILA, Philippines – Nasawi ang isang tatlong-buwang gulang na sanggol matapos buhusan ng kumukulong tubig ng binatilyo niyang tiyuhin.
Ayon sa pulisya, umamin ang suspek na gumamit siya ng illegal na droga bago ang krimen.
Nagtamo ng matinding lapnos mula ulo hanggang paa ang sanggol na dahilan ng agaran nitong kamatayan.
Sa impormasyon mula sa Cainta Police, pumapasok sa trabaho ang ina ng sanggol kaya ibinibilin niya ito sa tiyuhin.
“Nagpakulo ng tubig. Ang intensyon niya raw [suspek]ay paliguan ng maligamgam ang bata. Unfortunately, nagdilim ang kanyang paningin, naibuhos niya sa bata ‘yung kumukulong tubig na ‘yun,” sinabi ni Cainta Police Chief Police Major Alfonso Saligumba.
Nalaman na lamang umano ng mga kapitbahay ang nangyari nang umalis ang suspek na hindi man lang ibinibilin ang sanggol.
“Nagtaka yung kapitbahay bakit yung bunso, yung infant ay hindi inentrust sa kanila. So sinilip nila yung residence ng victim, nakita nga nila na yung bata hindi na gumagalaw at hindi na humihinga,” sinabi pa ni Saligumba.
Matapos ang krimen ay nakuha sa CCTV camera ang suspek na umalis bitbit ang isang kapatid ng biktima.
Nagpalipat-lipat ito ng lugar bago tuluyang natunton sa bahay ng kanyang magulang sa San Jose del Monte, Bulacan.
“Base on the background, isa pong adik. Sabi niya sa akin, nakagamit siya ng time na ‘yon,” pagtatapos ni Saligumba.
Nahaharap sa kasong murder ang suspek na kasalukuyang hawak na ng Cainta Police. RNT/JGC