
MUKHANG may namumuong hindi magandang relasyon sa pamunuan ng ride hailing app na Move It at ilan nilang riders na hindi sang-ayon sa isinagawang kilos-protesta para tutulan ang panawagan ng isang komite sa Kongreso na i-ban sila sa pilot study ng motorcycle taxi sa Metro Manila.
Nito lang kasing Oktubre 31, nagkasa ng kilos protesta ang mga rider ng Move It matapos ipanawagan na huwag silang isama sa pilot study dahil sa pagkabigong tugunang maayos ang mga katanungan, pati na ang kanilang pakikipag-sanib sa isang malaking kompanya ng transport network vehicle service noong nakaraang taon.
Tila kasi hiniling ng House Committee on Metro Manila Development ang tuluyang pag-ban sa Move It sa pilot study dahil hindi raw nakatugon sa mga panuntunan at ang hiling na ibigay ang mga impormasyon na mahalagang malaman kung ang kanilang higanteng ka-tie-up sa negosyo ay may karapatan o wala na lumahok sa pilot study ng motorcycle taxi.
Magugunita na nasuspinde noong taong 2020 ang isinasagawang pilot study dulot ng pandemyang dala ng Covid 19 hanggang sa muli itong binuo noong nakaraang taon para matiyak na maisasakatuparan ang rekomendasyon sa kaligtasan, seguridad, prangkisa, pamamaraan para sa regulasyon at iba pang isyung may kaugnayan sa motorcycle taxi operations.
Maging si 2nd District Congressman Rolan Valeriano na siyang chairman ng naturang komite ay naniniwalang dapat munang tugunan ng Move It ang mga katanungan para sila makapaglabas ng resolusyon kung nararapat mapabilang sa pilot study o hindi.
Ayon kay alyas “Jericho”, isang rider ng Move It, siya at kanyang mga kasamahan ay napilitang makiisa sa pagsasagawa ng kilos-protesta dahil umano sa inilabas na kautusan ng kanilang pamunuan na manawagan at magsagawa ng rally upang ipakita ang kanilang suporta sa kanilang kompanya.
Kung tutuusin aniya, sagabal sa kanilang maliliit na riders na isang kahig-isang tuka dahil sa halip na makapasada ng kanilang motorcycle taxi, nauubos ang oras nila sa lansangan.
Inilabas umano ang kautusan ng kompanya para ipamukha sa pamahalaan na nagkakaisa ang mga rider sa panawagan na huwag i-ban ang Move It sa pilot study.
Sabi pa ng ilang riders, kung pag-uusapan ang pagkakaisa, mapapatunayan nila ito sa iisa nilang kahilingan na ibalik sa dati ng Move It ang fare matrix para kumita naman sila ng sapat na maiuuwi sa kanilang pamilya, pati na ang pagkakaroon ng insurance ng mga rider na sa kasalukuyan ay pinag-aaralan pa raw ng kompanya.
Sabi naman ng Grab na kilalang kaisa ng Move It, ang hakbang na i-ban ang naturang motorcycle riding taxi sa pilot study ay matatawag na “anti-competitive” at discriminatory.