Home METRO Sariling anak ginawang sex slave, ama arestado!

Sariling anak ginawang sex slave, ama arestado!

JONES, Isabela- SHOOT sa kulungan ang isang ama matapos madakip ng mga awtoridad sa ginawang operasyon sa kasong panggagahasa sa sarili nitong anak na dalagita, nitong Sabado, Pebrero 10 sa bayang ito.

Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Jones Police Station ang hindi pinangalanang suspek na may kasong 4 counts of rape.

Ayon kay PMaj. Felixberto Lelina, hepe ng Jones Police Station, isinampa ang kaso laban sa suspek noong Nobyembre 2023.

Sinabi ni Lelina, personal na nagtungo sa kanilang himpilan ang 13-anyos na biktima na anak ng suspek kasama ang kamag-anak para pormal na magsampa ng kaso laban sa kanyang ama.

Sa reklamo ng biktima, paulit-ulit siyang ginagahasa ng kanyang ama at tinatakot itong sasaktan kapag nagsumbong kaninuman.

Hindi naman nawalan ng pag-asa ang biktima at naglakas-loob itong magsumbong sa kanilang kamag-anak at sinamahan itong dalhin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa pulisya para pormal na magsampa ng kaso.

Nabatid na matagal nang hiwalay ang mga magulang ng biktima subalit iniwan sila ng kanilang ina sa bahay ng suspek sa bulubunduking bahagi ng naturang lugar.

Nanawagan naman ang mga awtoridad sa biktima ng pang-aabuso lalo na ang mga kababaihan at menor de edad na magsumbong sa tanggapan ng pulisya na malapit sa kanilang lugar para matigil ang ganitong klaseng pang-aabuso. Mary Anne Sapico

Previous articleSecession ‘di makatutulong sa Mindanao – solon
Next articleBinay sa Kongreso: Word war tigilan, balik-trabaho na!