Home TOP STORIES SBMA-Harbour Centre deal, hiniling sa Korte Suprema na repasuhin

SBMA-Harbour Centre deal, hiniling sa Korte Suprema na repasuhin

116
0

Nanawagan ang isang consumer advocate group na repasuhin ng Korte Suprema ang desisyon nitong ipatupad ang isang joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at Harbour Centre dahil anito’y makasasama lamang ito sa interes ng komunidad at mamamayan.

Ayon sa Bantay Konsyumer, Kalsada, Kuryente (BK3), ang JVA na nilagdaan noong Pebrero 2010 ay puno ng iregularidad at ang kumpanyang napayagang mamahala ng ilang pantalan sa Subic Bay Freeport ay wala nang kakayahan na hawakan at patakbuhin ang mga ito.

“Ang mga Subic locators, importers, shipowners at cargo owners ay nadidismaya sa desisyon. Maaring mabawasan o mawala nang tuluyan ang kita ng SBMA na sumusuporta sa mga serbisyo at imprastrukturang pampubliko ng pamayanan,” ani Atty. Karry Sison, opisyal ng BK3, sa isang pahayag.

“Maaari ding magkaproblema sa supply chain lalo na sa mga grains-based products – ngayon pang hirap na ang pamilyang Pilipino sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” dagdag niya.

Matatandaan na nagpasa ang Harbour Centre ng isang unsolicited proposal sa SBMA noong Nobyembre 2009 at makaraan lamang ang tatlong buwan, naaprubahan ng nakaupong administrador ng ahensiya ang JVA base sa panukalang ito.

Dahil sa ilang kitang-kitang iregularidad, tumanggi ang mga sumunod na opisyal ng SBMA na ipatupad ang JVA. Sa katunayan, iniutos ng Office of the Government Corporate Counsel na amyendahan ito alinsunod sa mga panuntunan ng National Economic and Development Authority na hindi naman nagbigay ng clearance hanggang sa tuluyan nitong ipawalang-bisa ang kasunduan kinalaunan.

Ibinunyag ni Sison na sa kasalukuyan ay napipilitan lamang ang SBMA na ipatupad ang kasunduan nito sa Harbour Centre at hindi aniya ito makatarungan para sa mga locators at iba pang negosyong tumulong na mapaunlad ang Subic mula sa pagkakalugmok nito dahil sa pagsabog ng Mt. Pinatubo.

Naniniwala ang BK3 na hindi maganda ang mensaheng ipapahatid kapag ipinilit ang pagpapatupad ng SBMA-Harbour Centre JVA, lalo ngayong sinisikap ni Pangulong Bongbong Marcos na ayusin ang mga proseso sa gobyerno sa ngalan ng maayos na pamamahala. RNT

Previous article27 lugar pasok sa ‘areas of election concern’
Next articlePondo ng Comelec dinagdagan ng P2.5-B

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here