MANILA, Philippines – Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200) na naglalayong lumikha ng school-based mental health program na kumalap ng 22 boto.
Layunin ng Senate Bill 2200 o ang proposed Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act na itaguyod at tiyakin na maayos ang mental health at kalagayan ng mag-aaral sa lahat ng basic education institutions.
Sakop din ng batas ang out-of-school children na may special cases kabilang ang mag-aara na may kapansanan at kondisyon, indigenous peoples, children in conflict with the law, learners in emergency situations, at iba pabng marginalized sectors.
Inaatasan ng batas ang Department of Education na magtayo at magmentena ng tinatawag na Care Centers sa lahat public basic education institution at tiyakin ang pagtatayo at pagmementeni nito sa privadong paaralan.
Para kay Senador Sherwin Gatchalian maituturing na mahalagang hakbang ito upang masugpo ang tinatawag niyang pandemya ng mental health sa bansa.
Pagmumulan din ang mga Care Center ng angkop na referral para sa mga intervention at aftercare support mula sa mga ahensya, institusyon, organisasyon, at iba pang mga propesyonal. Mandato rin sa mga Care Center na paigtingin ang kaalaman at literacy ng mga guro pagdating sa mental health.
Upang matiyak namang may sapat na mga kawani para sa pagpapatakbo ng School-Based Mental Health Program, lilikha ang panukalang batas ng mga bagong plantilla positions na Mental Health Associates I hanggang V, at Mental Health Specialists I hanggang V.
Sa ilalim ng panukalang batas, magiging Mental Health Specialists ang mga Guidance Counselor at Psychologists sa DepEd.
Binigyang diin ni Gatchalian na noong Hulyo 2022, may 1,192 lamang na napunang posisyon sa DepEd para sa guidance counselors at coordinators. Para sa School Year 2023-2024, iniulat ng DepEd na merong mahigit 26 milyong mag-aaral na ang naka-enroll.
Ayon sa datos, may 404 na mag-aaral ang nagpakamatay noong School Year 2021-2022. Ernie Reyes