Home METRO Scout Ranger todas sa kasamahang AWOL; suspek nagpatiwakal

Scout Ranger todas sa kasamahang AWOL; suspek nagpatiwakal

LABRADOR, Pangasinan- Patay ang isang Army Scout Ranger sa kanyang kasamahan sa Barangay Uyong sa bayang ito nitong Biyernes ng umaga.

Pinaslang ng AWOL na sundalo ang kanyang kasamahan sa Labrador, Pangasinan nitong Biyernes.

Kinilala ni Police Col. Jeff Fanged, Pangasinan police chief, ang biktima na si Technical Sgt. Marianito Bolante, 47, naka-assign sa Army First Scout Ranger Regiment sa Camp Tecson, Barangay Tartaro, San Miguel, Bulacan.

Dumating si Bolante at lima pang Rangers sa tahanan ng suspek na kinilalang si Master Sgt. Henry Malong Quiajado, mula sa parehong unit, dakong alas-8 ng umaga upang pag-usapan ang kanyang Absence without Official Leave status. 

Nagkaroon ng pagtatalo dahilan upang bunutin ni Quiajado ang baril at paputukan si Bolante, na agad na nasawi dahil sa tinamong mga tama ng bala sa kanyang katawan. Hindi nasugatan ang mga kasamahan ng biktima na nakipagputukan din sa suspek.

Bumalik si Quiajado sa loob ng kanyang bahay at nang dumating ang mga pulis ay pinaputukan din ng suspek. Wala namang nasugatan sa mga awtoridad.

Nagtungo rin si Fanged sa lugar at hinikayat na sumuko ang suspek. Subalit, sinabi ni  Quiajado sa mga pulis na kausapin ang kanyang kamag-anak sa militar kung saan siya susuko.

Subalit, habang hinihintay ang kamag-anak ni Quiajado na dumating mula sa Baguio City, narinig ang putok ng baril mula sa loob ng bahay dakong alas-11 ng umaga. Natagpuan patay si Quiajado ng kanyang kapatid. RNT/SA

Previous articleGrupo sa DepEd: Polisiyang pagkalos ng admin tasks mula sa mga titser mahigpit na ipatupad
Next articleTaylor Swift ginawan ng malalaswang larawan gamit ang AI!