ILOCOS SUR- Tigok ang isang 42-anyos na seaman matapos na bumangga sa puno ng mahogany ang minamaneho nitong motorsiklo sa Brgy. Immayos Norte, San Juan ng lalawigang ito kaninang alas 2:00 ng madaling araw, Agosto 14.
Kinilala ng San Juan Municipal Police Station ang drayber ng kulay white na Honda PCX motorcycle na si Reggie Verazon y Leonardo, 42, may asawa, seaman, residente ng Brgy. Nagsuputan, San Juan, Ilocos Sur.
Nakilala naman ang angkas nito na si Jestony Sumibcay y Villalon, 26, walang asawa, laborer, residente ng Brgy. Pandayan, San Juan, Ilocos Sur.
Bumibiyahe ang motorsiklo patungong kanlurang direksyon sa provincial road sa naturang lugar nang biglang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at bumangga ang kanilang sasakyan sa puno ng mahogany na nasa kaliwang bahagi ng kalsada.
Ang drayber ay nagtamo ng fatal head injury samantalang ang angkas nito ay nagtamo naman ng minor injury.
Parehong isinugod sa Pira Hospital sa Cabugao, Ilocos Sur ang dalawang biktima.
Gayunman, ang driver ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso