KAHAPON, naglanding na sa Istanbul, Turkey ang 83-man team ng Pilipinas para tumulong sa search and rescue at panggagamot sa mga nasugatan at pag-asikaso na rin sa mga namatay.
Binubuo ang team karamihan ng mga sundalo at pulis at pinunuan ang mga ito ng mga tauhan ng Metro Manila Developlent Authority at Department of Health.
Sinasabing kahit papaano, dala-dala na nila ang mga kagamitan sa pagkalkal sa mga gusaling gumuho o nagiba, pag-detect sa buhay sa ilalim o loob ng mga gusali, maraming uri ng gamot, kumot at iba pa.
Mga beterano sa mga kalagayang emergency na nadeploy na maging sa ibang bansa ang ilan sa mga kasama ng team.
Umaasa tayo na makatutulong nang malaki ang ating team sa lahat ng mga biktima na kanilang makahaharap.
MAGANDA RING BALITA
Bagama’t may mga nasugatan na mga Pinoy sa lindol at may mga missing, naririyan ang pagmamalasakit sa isa’t isa.
Naghahanapan sila at hinihingi nila ang tulong ng gobyerno sa mga nangangailangang Pinoy.
Ang mga malulusog, gusto nilang maasikaso ng ating pamahalaan ang mga maysakit.
Maganda ring sila mismo ay humihingi ng tulong mula sa mga nakaririwasa sa atin para kapakanan nilang lahat ng Pinoy sa Turkey at Syria.
Nagpapasalamat na rin ang mga Turkiye sa pagpapadala natin ng team para tumulong sa kanilang bansa.
Pinangunahan mismo ni Turkish Ambassador to the Philippines Niyazi Akyol ang pagpapasalamat sa lahat ng mga miyembro ng team, mga opisyal ng gobyerno, lalo na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nag-utos ng pagpapadala ng team.
Kaugnay nito, sinasabi ng ating pamahalaan na dapat lang na tumulong tayo sa Turkey sapagkat napakabuti sa mga Pinoy ang bansang ito.
Kasama ang Turkey sa mga bansang nagbibigay ng sapat na proteksyon sa ating mga overseas Filipino worker.
At aktibo rin ito sa pagbibigay ng emergency na pangangailangan ng bansa sa mga oras na tayo’y kinakalamidad, kasama na ang pagbibigay nila ng bakuna noong kasagsagan ng COVID-19 sa bansa.
MAGHANDA VS THE BIG ONE
Habang tinitipa natin ito, mga Bro, nasa 15,000 na ang patay sa lindol sa Turkey at Syria.
Ayon sa United Nations, maaaring aabot sa 20,000 ang matatagpuan patay.
Pero paano naman ang sinasabi ng ilang eksperto sa kalagayan ng mga gusali roon na may naiipit na 180,000 katao sa mga nagiba at gumuhong gusali?
Ayon pa rin sa UN, maaaring aabot sa 23 milyon ang apektadong mga tao.
‘Yun bang === mga nawalan ng tahanan at pagkain, malinis na tubig-inumin, maayos na palikuran, kuryente, telepono, internet.
Iba pa ang mga nasugatan na parami nang parami mula sa 20,000 kamakalawa.
Maaaring mas masahol ang ibubunga ng The Big One, lalo na sa Mega Manila dahil tinatayang may mamamatay ng 30,000-50,000 at masusugatang mahigit sa 100,000.
Dapat nakahanda na tayo laban sa The Bing One na may magnitude na 7.2 o higit pa.