Home NATIONWIDE Sec. Diokno dedma sa ulat na papalitan sa pwesto

Sec. Diokno dedma sa ulat na papalitan sa pwesto

MANILA, Philippines- Ipinagsawalang-bahala lamang ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang “tsismis” na aalisin siya sa pwesto para ilipat at pamunuan ang Maharlika Investment Corporation (MIC).

Ipinagkibit-balikat  ni Diokno ang ulat na si Deputy Speaker Ralph Recto ang papalit sa kanya sa DOF.

Sinabi ni Diokno, tuloy lang ang kanyang trabaho bilang Kalihim ng DOF hangga’t kailangan siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Matatandaang may lumabas na ulat kung saan sinabing papalitan ni Recto si Diokno at kinokonsidera ang huli bilang pinuno ng MIC.

Gayunman, nito lamang nakaraang buwan ng Nobyembre, pinili ni Pangulong  Marcos si seasoned banker Rafael Consing Jr. para pamunuan ang MIC.

Sa isang panayam, tinanong si Diokno ukol sa umugong na balita na papalitan siya ni Recto bilang Kalihim ng DOF, kagyat namang sumagot si Diokno ng, “I serve at the pleasure of the President.”

“I’ll work until, as long as I’m needed in the government,” dagdag na wika nito.

Nang tanungin kung sa tingin niya ay masaya ba ang Pangulo sa kanyang trabaho, ang naging tugon ni Diokno ay, “I think so, yes.”

Nauna rito, nalagay sa “hot seat” si Diokno nang aminin nito na hindi kinonsulta ang economic team ukol sa price ceilings para sa regular milled at well-milled rice varieties.

Ang naturang usapin ang dahilan kung bakit nasipa sa pwesto si Finance Undersecretary Cielo Magno, matapos nitong batikusin  ang pagpapataw at pagpapatupad ng rice price ceiling.

Sinabi ng Malakanyang na ang  terminasyon ng kanyang appointment ay “expected,” sabay sabing, “clearly does not support the administration and its programs for nation building.”

Sa kalaunan, sinabi ni Diokno na suportado ng economic team ang price cap sa bigas. Kris Jose

Previous articleBFP exec ipinatatanggal sa TWG sa bids procedure issue
Next articleNPC nabahala sa paninikil sa press freedom ng SMNI