Home NATIONWIDE SEC registration ng PIRMA sa pekeng PI, peke rin – Senate panel

SEC registration ng PIRMA sa pekeng PI, peke rin – Senate panel

MANILA, Philippines- Hindi nakarehistro ang People’s Initiative for Modernization and Reform Action (PIRMA), nasa likod ng kontrobersiyal na pekeng people’s initiative efforts para sa Charter change sa Securities and Exchange Commission (SEC), ayon sa isang panel sa Senado.

Sa pagpapatuloy na imbestigasyon ng Senate committee on electoral reforms and peoples’ participation, kinumpirma ni SEC Securities Review Counsel Katrina Jean Miranda na matagal nang binawi ang registration ng PIRMA.

“Yes, madam chair. Their certification of registration has been revoked since February 10, 2004,” tugon ni Miranda kay Senador Imee Marcos sa pagdinig.

Isinagawa ang kumpirmasyon ni Miranda sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa sinasabing suhulan at payoffs sa pangangalap ng lagda sa pekeng people’s initiative kapalit ng P100 ayuda, na pinamumunuan ni Marcos.

Ayon kay Miranda, hindi nagsumite ang PIRMA ng kailangang requirements simula nang magparehistro ito noong March 12, 1997.

“Since the time of their incorporation, they have not submitted any reportorial requirements with the SEC based on our records,” aniya.

“What we have are articles of incorporation and bylaws that they submitted at the time of their incorporation” dagdag ng abogado.

Natuklasan din ng lupon na hindi bahagi ng orihinal na incorporator sina PIRMA lead convenor Noel Oñate at Anthony Abad, ang pangalan na lumilitaw sa signature forms para sa people’s initiative, nang maisagawa ang incorporation nito.

Ayon kay Alex Avisado, legal counsel ni Oñate, inaayos ang corporate registration ng PIRMA sa SEC at nakapagsumite na sila ng pangangailangan sa online portal nitong Pebrero.

“So pagkatapos lang ng hearing?” tanong ni Marcos na tinutugan ni Avisado na, “Yes, because it took time for Mr. Oñate to speak with his former associates in PIRMA.”

Kinuwestiyon din ni Marcos ang timing ng pagkilos dahil non-existence ang PIRMA sa loob ng 20 taon.

“You are going to update the website of a corporation that has not been in existence for 20 years. Wala na ‘to. Multo na ‘to. Wala nang PIRMA, 20 anyos na,” aniya.

Nagpahayag din ng pagdududa si Senador Nancy Binay sa kredibilidad ng people’s initiative sa pangunguna ng PIRMA, matapos matuklasan na hindi rehistrato ang PIRMA sa SEC.

“Naguguluhan lang ako sa timeline niyo. Nag-initiate kayo ng people’s initiative, pero ‘di pa pala ayos ‘yung documentation ng PIRMA niyo. ‘Di ba dapat nag-due diligence muna kayo kung talagang may entity na PIRMA?” ani Binay.

“Ang tanong, kung PIRMA does not exist, so sino ang entity na nag initiate nitong PI?” giit pa niya.

Ikinatuwiran naman ni Avisado na nalalaman niya na kahit matagal ang reinstatement ng kanilang SEC registration, sinimulan nila ang people’s initiative kahit walang rehistrasyon.

Aniya, tanging requirements lamang sa paghahain ng people’s initiative petition ay isang registered voter.

Hindi ito tanggap ng komite.

“Sana hindi niyo na ginamit ‘yung PIRMA. ‘Yung mga individual names na lang ‘yung nilatag. People naman ito. Basta may tao doon na nakapirma, ayos na ‘yon. Ba’t pa kinaladkad ang PIRMA? Ba’t ginamit-gamit pa itong kalansay na korporasyon na patay na?” tanong ni Marcos. Ernie Reyes

Previous articleTiangco brothers tumanggap ng 2023 RPMD Outstanding Public Servants award
Next articleDavao de Oro landslide pinaiimbestigahan sa Kamara