MANILA, Philippines – Siniguro ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Romeo Brawner Jr. na nananatili ang internal security operations ng mga sundalo laban sa
New People’s Army (NPA) insurgents kasabay ng humanitarian assistance at disaster response sa mga nasalanta ng bagyong Egay at habagat.
“Bagamat tumutulong po tayo yung tinatawag po natin na HADR, with all the core competencies ng AFP, pero hindi po natin pinababayaan ang seguridad ng ating bayan, unang una po in terms of internal security, tuloy tuloy ang ating operations lalong lalo laban sa mga communist terrorists dahil po yung mga nakaraang kalamidad nakita natin na they take advantage itong situation na ganito,” sinabi ni Brawner sa panayam sa radyo nitong Linggo, Hulyo 30.
Ang tinutukoy ni Brawner ay ang nagdaang insidente kung saan tinambangan ng mga rebeldeng NPA ang AFP units o mga tropa habang nagsasagawa ng HADR missions, at tinangka pang nakawin ng mga ito ang relief goods mula sa pamahalaan.
Kaugnay nito, ipinadala naman ng Philippine Air Force (PAF) ang dalawang S-70i “Black Hawk” combat utility helicopters upang maghatid ng mga food pack, gamot at iba pang essential items sa mga munisipalidad ng Adams at Vintar sa Ilocos Norte noong Hulyo 28.
“The mission was accomplished through the efforts of the PAF’s Tactical Operations Wing Northern Luzon (TOWNOL), Tactical Operations Group 1 (TOG 1), along with several personnel from 4th Marine Brigade of the Philippine Marine Corps and local Government Agencies of Ilocos Norte,” pahayag ni PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo.
Nitong Hulyo 29, sinabi ni Castillo na inihatid na ng TOG 1 sa pakikipagtulungan sa Cordillera Regional Disaster Risk Reduction and Management Logistics Cluster, ang second batch ng food at non-food items gaya ng shelter repair kits, family food packs, hygiene kits, at water filtration units sa mga apektadong komunidad sa Abra.
Samantala, nagtalaga naman ang the Philippine Navy (PN), sa pamamagitan ng Naval Forces Northern Luzon (NFNL) ng 27 disaster response and rescue teams (DRRTs) mula Hulyo 24 hanggang Hulyo 28 upang tumulong sa mga apektadong komunidad sa Hilagang Luzon.
Ani Navy spokesperson Captain Benjo Negranza, apat sa mga DRRTs na ito ay nagmula sa Naval Station Ernesto Ogbinar, 17 mula sa 4th Marine Brigade, isa mula sa Naval Base Camilo Osias, at lima mula sa Naval Reserve Units sa Northern Luzon. RNT/JGC