Home OPINION SECURITY RISK MANAGEMENT PLAN VS BIYAHENG LANGIT

SECURITY RISK MANAGEMENT PLAN VS BIYAHENG LANGIT

 KAGIMBAL-GIMBAL ang naganap na pamamaril kamakailan sa mag-live-in partner na sakay ng isang pampasaherong bus na bumabagtas sa bayan ng Carranglan, Nueva Ecija. Malapitang pinaputukan ng dalawang suspek ang ulo ng walang kalaban-labang mga biktima na kapwa mahimbing na natutulog sa unahang upuan ng bus. Napanood pa natin ang brutal na pagpatay at pagtakas ng mga suspek dahil sa posted CCTV footage na nag-viral sa social media.

Pero warning lamang sa ating mga reader, huwag na  nating panoorin ang viral video na ito at baka hindi  kayo makatulog. Hangad  natin ang hustisya para sa mga biktima.

Dahil sa pangyayaring ito, kumilos agad ang mga awtoridad gayundin ang pamunuan ng sangkot na bus company para mabigyang garantiya na hindi na mauulit ang insidente at mapananatili ang seguridad ng mga pasahero.

Hindi natin ugali ang manisi ng sinoman at lalong hindi tayo nag-iimbestiga. Mayroon lang tayong mga katanungan bilang biyahero rin. Mayroon kayang programang nagre-require sa lahat ng bus company tulad ng security risk assessment o kaya naman ay security management plan? Kung meron man, naipatutupad kaya ito ng maayos? Kung naipatutupad, may isinasagawa kayang series of audit at inspection para masigurong epektibo ang pagpapatupad nito?

Ito siguro ang dapat pakatutukan ng mga awtoridad at bus operator para magarantiya na hindi na mauulit ang pangyayaring ito. Para sa atin, hindi sasapat ang paglalagay ng marshall sa bawat bus. Kailangan ng tamang pagsusuri para sa bawat hazards at panganib na maaaring suungin ng mga pasahero, driver at konduktor sa bawat journey.

Aba, napakahirap naman ng sitwasyong nagbayad ka ng tamang pasahe para sa isang komportableng biyahe at pagtulog at pagkatapos ang gigising sa’yo ay si San Pedro!

Kailangang pag-usapan ng mga awtoridad at bus operator ang ating mungkahi para mawala na ng tuluyan ang kanilang agam-agam lalo na ng mga pasahero at maiwasan ang “biyaheng langit.”

Nakikiramay ang Health and Safety First sa mga kaanak ng mga biktima.

Previous articleBAWAS SALITA …
Next articleGadon hits UN special rapporteur in defense of NTF-ELCAC