Home NATIONWIDE Seguridad ng mga pasahero babantayan ng 30.5K PCG personnel sa Semana Santa

Seguridad ng mga pasahero babantayan ng 30.5K PCG personnel sa Semana Santa

MANILA, Philippines- Nakahanda ang 30,500 tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na magpatupad ng security measures sa mga daungan at sa dagat sa buong bansa upang masiguro ang kaligtasan ng mga biyahero sa Semana Santa.

Sinabi ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, na ilalagay sa heightened alert mula Marso hanggang Abril 3 ang organisasyon upang paigtingin ang seaborne patrols at safety measures sa lahat ng pantalan at waterways.

Inaasahan na ang dagsa ng mga pasahero sa iba’t ibang pantalan sa buong bansa dahil milyon-milyon ang bumibiyaheng pasahero na umuuwi sa kani-kanilang probinsya tuwing Holy Week .

Magsisimula ang Holy Week sa Palm Sunday, Marso 24, at matatapos sa Easter Sunday, Marso 31.

Karaniwang nagiging problema tuwing ganitong panahon ang overloading at hindi nakakondisyong mga barko, ayon kay Gavan.

Upang maiwasan ito, inatasan ni Gavan ang mga PCG inspector na mahigpit na suriin lahat ng pasahero na nakalista sa manipesto at huwag paalisin o kaya pabalikin sa daungan kapag may overloading.

Ipinag-utos din ng opisyal sa kanyang mga tauhan na paigtingin ang pagkumpiska sa mga ipinagbabawal na kagamitan tulad ng pampasabog, matutulis na bagay, baril at illegal drugs bukod sa iba pa.

Bukod dito, pinayuhan ni Gavan ang ship captain na suriin ang kondisyon ng kanilang barko bago sila maglayag upang maiwasan ang anumang aksidente habang nasa dagat. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleBatang babae patay sa bangga ng kotse
Next articleHalos 300 dayuhang nahuli sa Tarlac scam hub dinala sa Metro Manila