BAYOMBONG, NUEVA VIZCAYA-Bilang paghahanda sa selebrasyon ng 2023 Grand ‘Ammungan’ Festival sa lalawigan ay nakalatag na ang Security Plan ng pulisya.
Ayon kay PCol. Camlon Nasdoman, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO ay layunin ng kanilang Security Plan na pigilan ang anumang plano ng mga Communist Terrorist Groups (CTGs) na guluhin ang selebrasyon ng ‘Ammungan’ Festival.
Sinabi naman ni PLtCol.Ferdinand Laudencia, PNP Prov’l Operations and Management Unit (POMU) Chief, nakakalat na ang kanilang mga kawani upang magbantay at kumalap ng mga impormasyon hinggil sa maaaring plano ng panggugulo ng mga CTGs sa bayang ito kung saan gaganapin ang iba’t-ibang programa para sa nasabing Festival.
Dagdag pa nito na ang Security Plan ay ipinapatupad katuwang ang mga barangay officials at civic organizations sa bayan at lalawigan.
Dahil dito, hinimok ni Col. Nasdoman ang mga Novo Vizcayanos na makipagtulungan at sumunod sa mga patakaran sa mga iba’t-ibang lugar ng mga programa, lalo na ang sistema ng traffic management upang maging maayos at walang aberya ang mga programa at mga mamamayan.
Ang ‘Ammungan’ Festival o pagtitipon ay selebrasyon ng ika- 184 taong kaarawan ng lalawigan kung saan tampok dito ang iba’t-ibang programa at palabas mula Mayo 19 hanggang Mayo 25.
Ang 2023 Grand ‘Ammungan’ Festival ay may temang ‘Panagdur-as ti Ekonomia iti Nueva Vizcaya Babaen iti Turismo ken Agrikultura’.
Idineklarang Holiday naman ang Mayo 24 na araw ng Miyerkules dahil ito ang tinaguriang Vizcaya Day o araw ng kaarawan ng lalawigan bilang civil government mula sa pagsakop ng Espanya. Rey Velasco