MANILA, Philippines – Ipinapatupad ngayon sa Cebu ang mas mahigpit na seguridad malapit sa dalawang testing venues sa idinaraos na Bar examination ngayong araw, Setyembre 17.
Ayon sa Cebu City Police Office (CCPO), mahigpit na ipinapatupad ang liquor ban at anti-noise ordinance sa 100-meter radius ng University of San Carlos (USC) at University of San Jose-Recoletos (USJ-R).
Sinabi naman ni Police Lt. Col. Janette Rafter, deputy director for operations ng CCPO, na layon ng mahigpit na security measures na protektahan ang mga examinees lalo na sa distraction.
Ang liquor ban at anti-noise policy ay ipinatupad mula alas-5 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi.
Nasa 102 pulis naman ang ipinakalat sa USJ-R at 51 sa USC.
Sarado rin sa trapiko ang mga kalsada na nasa paligid ng dalawang unibersidad.
Sa Cebu, mayroong 1,250 law graduates ang kukuha ng bar exam. RNT/JGC