MANILA, Philippines- Ipinasilip ng Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules ang kanilang “fortified” evidence room upang maiwasan ang posibleng pag-recycle ng nasabat na iligal na droga.
Bahagi ito ng mahigpit na security measures na ipinatutupad sa warehouse para tiyakin na hindi makokompromiso ang mga ebidensya sa pagsasagawa ng PNP ng “internal cleansing” sa gitna ng mga akusasyon na ilang mga pulis ang sangkot sa drug recycling.
Batay sa ulat, ang evidence room ng PNP ay mayroon nang mga pinto na may ilang locks at metal gates na mabubuksan lamang ng tatlong custodians ng pasilidad sa pamamagitan ng biometrics.
“In that way, magkakaroon tayo ng check and balance na hindi basta basta makakapasok si custodian without the knowledge of the other two,” ani SOCO chief Police Lieutenant Albert Arturo.
Bantay rin ng CCTV cameras ang entry at exit points ng evidence room.
Idinagdag ni Arturo na mailalabas lamang ang mga ebidensya mula sa pasilidad sa ilalim ng court order at nagre-request ang Forensic Group ng court orders para sunugin ang mga nasabat na droga.
May kapasidad ang evidence room ng Forensic Group ng PNP sa Camp Crame sa Quezon City na hindi bababa sa 12 tonnes. Kasalukuyang nkatago rito ang halos isang toneladang drug paraphernalia na nagkakahalaga ng mahigit P6 bilyon. RNT/SA