
BINIBIGYAN pansin talaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang mga magsasaka, hindi lang para lumakas ang kanilang kita at dumami ang ani, kundi para na rin matiyak ang seguridad sa pagkain ng bawat pamilyang Pinoy.
Pero hindi lang pala mga magsasaka ang pinagtutuunan ng pansin ng Pangulo dahil nagbigay na siya ng katiyakan sa kanyang mensahe sa Federation of Free Farmers na bubuhayin at palalakasin din ng kanyang administrasyon ang sektor ng pangingisda na aniya ay ilang dekada nang napabayaan ng pamahalaan.
Kabilang sa nais ng Pangulong BBM ang pagreporma sa agri-fishery sector na noon ay naisakatuparan na ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. na nagbunga nang katatagan ng kabuhayan ng mga mangingisda.
Sabi ni Pangulong Marcos, panahon na upang sumailalim sa agarang modernisasyon at mekanisasyon ang sektor ng pangingisda upang hindi mapag-iwanan ng mga mangingisda sa mga kalapit nating bansa.
Naniniwala kasi ang Pangulo na sa oras na maisakatuparan niya, bilang Kalihim ng Kagawarang pang-Agrikultura, ang modernisasyon na aakma sa kasalukuyang panahon, tiyak na uunlad, hindi lamang ang kabuhayan ng mga mangingisda, kundi patatatagin din nito ang supply ng mga pagkaing lamang-dagat sa buong bansa.
Sa ngayon, inaalam na ng pinamumunuang kagawaran ng Pangulo ang lahat ng mga pangangailangan, hindi lamang ng mga magsasaka, kundi maging mga mangingisda, para mapasimulan na ang pagpapakalakas ng kani-kanilang produksiyon.
Batid naman ng lahat na kanin at isda ang pangunahing pagkain ng bawa’t pamilyang Pilipino kaya’t tama lang ang hakbang ng Pangulo na bigyang-pansin ang kanilang sektor upang matiyak na hindi kakapusin sa pagkain ang bawa’t mamamayan.
Napag-alaman na plano ng administrasyong Marcos na maglaan ng P92.4 bilyong pondo sa taong 2024 para sa modernisasyon ng agri-fisheries sector para matiyak na maisasakatuparan ito. Sa kasalukuyan kasi, naglaan ang naturang kagawaran ng P4.73 bilyong pondo bilang puhunan sa malakihang mekanisasyon at modernisasyon ng mga sektor ng agrikultura at pangingisda.
Nais din ng Pangulo na matiyak ang pagpapalakas ng mga asosasyon at kooperatiba ng sektor para maiangat ang hanap-buhay ng mga magsasaka at mangingisda.
Sa ngayon, tila nabibigyan nang katuparan ang pangarap ng Pangulong BBM, na makabili ang mamayan ng halagang P20 kada kilo ng bigas dahil mayroon na nito sa lalawigan ng Cebu sa ilalim ng pamumuno ni Gov. Gwen Garcia.
Naglaan kasi ang pamahalaang panlalawigan ng Cebu ng pondong P100 milyon para makabili ng bigas sa NFA at saka ito ibebenta sa mga mamamayan ng lalawigan.
Kung inaakala ng marami na pangit at hindi masarap ang P20 kada kilo ng bigas na mula sa NFA, nagkakamali kayo dahil hindi na katulad ng dati na halos pagkain lamang ng baboy ang kanilang stock na bigas.
May mahigpit kasing tagubilin si Pangulong Marcos, Jr, sa NFA na bumili ng palay sa mga magsasaka sa mataas na presyo para hindi sila baratin ng mga tiwaling traders.