Home NATIONWIDE Sen. Go: Maging alerto vs Nipah virus

Sen. Go: Maging alerto vs Nipah virus

MANILA, Philippines- Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health and demography, sa Department of Health (DOH) at iba pang kaukulang ahensya na magpatupad ng mahigpit na hakbang upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng Nipah virus (NiV) sa bansa.

Bilang tugon, tiniyak ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa publiko na wala pang Nipah virus outbreak sa bansa.

“Maraming eskwelahan ngayon are suspending classes or shifting to virtual (classes) because of increasing flu-like illness happening among students. In Cagayan de Oro (City), meron pong nagsuspende ng klase and apparently may kumalat na Nipah virus yung concern. Upon verification with our regional epidemiological and surveillance unit in Northern Mindanao, wala po silang confirmed na Nipah virus in relation dun sa kumakalat na balita,” ani Vergeire sa health budget hearing noong Huwebes.

“Dito ho sa Pilipinas, wala po tayong detection. Meron po tayo nung huli, noong 2014 sa Sultan Kudarat, where there are a number of individuals in the community na na-detect ito. Pero sa ngayon po, wala tayong nade-detect,” paniniyak pa ng health official.

Ang Nipah virus, na kinilala ng World Health Organization (WHO), ay isang zoonotic na sakit na maaaring maipasa mula sa mga hayop patungo sa mga tao.

Ang ipinagkaiba nito sa iba pang mga sakit ay ang mataas na rate ng pagkamatay, mula 50 hanggang 70 porsiyento.

Nangangahulugan na nagdudulot ito ng malaking panganib at nakaaapekto sa 3 hanggang 4 sa bawat 5 nahawaang indibidwal.

Mabilis makahawa ang impeksyon ng Nipah virus sa pamamagitan ng direktang kontak sa mga may sakit na baboy o sa kanilang kontaminadong tisyu.

Dahil dito, binigyang-diin ni Sen. Go ang kahalagahan ng kalinisan at proper handling practices sa livestock industry.
Sinasabing laganap na ang Nipah virus sa mga bansa tulad ng Bangladesh at India, kung saan nagkasakit ang mga tao matapos kumain ng mga prutas at hilaw na date palm juice na kontaminado ng ihi o laway ng infected fruit bat.

“Mga kababayan ko, nais kong paalalahanan ang kahalagahan ng kalusugan at kaligtasan natin laban sa anumang mga banta sa kalusugan tulad nitong Nipah virus (NiV). Sa sandaling ito, hindi natin dapat kalimutan ang mga hakbang na kinakailangan upang mapanatili ang ating kalusugan at kaligtasan mula sa anumang panganib,” giit ni Go.

Sinabi ng senador na dapat sumunod sa mga payo ng mga eksperto sa kalusugan. Mahalaga aniya ang tamang hygiene, katulad ng paghuhugas ng kamay, at pagsusuot ng mask kung kinakailangan.

“Maiiwasan natin ang pagkalat ng sakit kung tayo ay magiging maingat,” anang mambabatas. RNT

Previous articleMga parak na sabit sa Jemboy slay pinasususpinde
Next article7 neneng nasagip sa ‘sex den’ sa Laguna