Home NATIONWIDE Sen. Go: P100 taas-sahod, mahirap ang makikinabang

Sen. Go: P100 taas-sahod, mahirap ang makikinabang

MANILA, Philippines – Iginiit ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na ang P100 umento sa minimum na sahod sa buong bansa ay pakikinabangan ng mahihirap at nagugutom sa gitna ng pagtaas presyo ng mga bilihin.

Sa ambush interview matapos dumalo sa 104th Founding Anniversary ng Marinduque, ipinaliwanag ni Go na ang Senate Bill No. 2534 na naipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ay nananatiling panukala hanggang hindi naipapasa ng mababang kapulungan at hindi inaaprubahan ng Pangulo.
Isa si Go sa co-author at co-sponsor ng nasabing panukala sa Senado.

Umaasa si Go sa mga kapwa mambabatas at sa gobyerno sa kabuuan na susuportahan ang panukalang makatutulong sa pag-angat ng kalagayan ng mahihirap.

Nanawagan din siya sa mayayaman na bahagi ng lipunan na suportahan ang panukala para tulungan ang mga ordinaryong manggagawa, lalo ang mga may problema sa pinansyal.
“Kung magiging batas po ito, nananawagan po ako sa mga mayayaman. Kung hindi naman po kayo malulugi, ipamahagi n’yo naman po ang kaunting tulong na ito dahil ang makikinabang dito ay ‘yung isang kahig, isang tuka,” hiling ni Go.

Binanggit ni Go na ang P100 wage hike ay makatutulong sa mga manggagawa na makayanan ang kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya at ang pagtaas ng halaga ng pamumuhay dahil sa iba’t ibang salik tulad ng inflation.

Habang isinusulong ang panukalang pagtaas ng sahod, nilinaw din ni Go na dapat patuloy na suportahan ng gobyerno ang mga employer lalo ang Micro, Small and Medium Enterprises na nagbibigay ng mga oportunidad sa trabaho.

Ang SBN 2534, na pangunahing inisponsoran ni Senador Jinggoy Estrada, ay layong amyendahan ang Republic Act No. 6727, o ang Wage Rationalization Act, na siyang lumikha ng regional wage boards. Trabaho ng RWB na tukuyin ang minimum wage rates sa iba’t ibang rehiyon.

“Pinupuri ko ang butihing sponsor, Sen. Jinggoy Estrada, at ang ating Senate President, Juan Miguel Zubiri, sa kanilang walang humpay na pagsisikap sa pagtulong sa ating mga ordinaryong manggagawang Pilipino,” ani Go.

Si Zubiri naman ang pangunahing may akda ng nasabing panukala.

Ang minimum wage kada araw sa National Capital Region na P610 ang pinakamataas sa buong Pilipinas.

Previous articleDagupan City Disaster Preparedness
Next articleAncajas vs Takuyama magsasagupa ngayon