Home NATIONWIDE Sen. Go sa gov’t officials: Magtulungan sa serbisyong pangkalusugan

Sen. Go sa gov’t officials: Magtulungan sa serbisyong pangkalusugan

MANILA, Philippines – Ipinadala ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang Malasakit Team para makasama sa medical mission ni Quezon City Councilor Mikey Belmonte bilang pakikipagtulungan sa pagpapahusay ng serbisyo sa kalusugan ng komunidad.

Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng naturang hakbang sa pagsasabing ang pagtutulungang kagaya nito sa pagitan ng mga pinuno ng pambansa at lokal ay nagpapakita ng pagtiyak na ang bawat Pilipino ay magkaroon ng access sa mga serbisyong medikal na kailangan nila.

Ang medical mission na ginanap sa BYC Covered Court at inorganisa ni Councilor Belmonte ay nagsagawa ng libreng medical consultation, dental check-up, at pamamahagi ng mga gamot.

Samantala, ang Malasakit Team naman ni Go ay namigay ng mga kamiseta, bola para sa basketball at volleyball at iba pang ayuda sa may 900 residente.

Ang medical mission na ito sa Quezon City ay isa sa maraming hakbang na sinuportahan ni Go bilang bahagi ng kanyang pangakong tutulong sa paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad at isulong ang kalusugan at kapakanan ng mamamayang Pilipino.

Nakatuon ang kanyang adbokasiya sa Senado sa pagpapabuti ng imprastraktura ng pangangalagang pangkalusugan, lalo sa mga sektor ng lipunan na kulang o hindi naaabot ng serbisyo.

Binanggit ni Go sa mga dumalong pasyente medical mission na maaari nilang gamitin ang 11 Malasakit Centers sa lungsod kung kailangan nila ng tulong sa mga gastusin na may kinalaman sa medikal.

May mga Malasakit Center sa Quezon City na matatagpuan sa Lung Center of the Philippines, Novaliches District Hospital, Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, National Kidney and Transplant Institute, East Avenue Medical Center (EAMC), Veterans Memorial Medical Center (VMMC), Philippine Orthopedic Center, National Children’s Hospital, Philippine National Police General Hospital, at Quirino Memorial Medical Center (QMMC).

Sa buong bansa ay mayroon nang operational na 159 Malasakit Centers at ayon sa Department of Health (DOH), humigit-kumulang 10 milyong Pilipino na ang natulungan nito.

Bukod sa Malasakit Center, si Go rin ang tagapagtaguyod ng pagtatayo ng mga Super Health Centers sa buong bansa para sa mas mabilis na access sa mga serbisyong medikal ng gobyerno.

Si Go rin ang principal sponsor at isa sa mga may-akda ng naisabatas na RA 11959, o ang Regional Specialty Centers Act. Ang batas ay nag-uutos sa pagtatayo ng mga Regional Specialty Centers sa loob ng mga kasalukuyang DOH regional hospitals. RNT

Previous articleTolentino sa Philhealth: Ano ang dagdag na benepisyo sa 5% premium?
Next articleEllen, hindi na magsasalita pag nabuntis!