MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Christopher “Bong” Go sa Department of Health at Food and Drug Administration na palakasin at higpitan ang pagsubaybay sa advertising ng mga pagkaing naglalaman ng mataas na antas ng saturated fatty acids, trans-fatty acids, free sugars at salt.
Kasunod ito ng rekomendasyon ng World Health Organization sa buong mundo na magpatupad ng mahigpit na patakaran upang protektahan ang mga bata mula sa mga advertisement na nakakaapekto sa kanilang dietary choices.
Ayon kay Go, nakababahala ang pagtaas ng mga sakit na nauugnay sa diyeta tulad ng diabetes, sakit sa puso, at labis na katabaan, lalo sa kabataan.
Aniya, dapat na i-regulate ang agresibong marketing ng pagkain at inumin na napatunayang negatibong nakaiimpluwensya sa diyeta ng mga bata.
Tinukoy niya ang HFSS food na ‘high in fat, salt and sugar’ gaya ng junk food.
Sinabi ni Go na nangangamba siya sa marketing strategy ng mga kompanya na ang target ay mga bata sa pagsasabing panahon na upang mas bigyang pansin ang kalusugan ng ating mga anak at i-regulate ang uri ng pagkain na ibinebenta sa kanila.
“The government must categorize and determine which food products should be limited in their marketing. This will enable us to effectively regulate advertisements on various media platforms,” mungkahi ni Go.
Ayon sa WHO, ang mga advertisement sa pagkain ay may masamang epekto sa normal na development ng mga bata sa pagpili ng pagkain.
“Calls to responsible marketing practices have not had a meaningful impact. Governments should establish strong and comprehensive regulations,” sabi ni Francesco Branca, director ng Department of Nutrition and Food Safety ng WHO.
Umaasa si Go na ang kanyang apela ay magtutulak para sa pagpapatibay ng mga naturang patakaran na hahantong sa mas malusog na gawi sa pagkonsumo ng pagkain ng kabataan.
Hinikayat niya ang publiko na manatiling mapagmatyag tungkol sa pagkain na kinokonsumo at hinihikayat ang lahat na lumahok sa kampanya laban sa unhealthy food marketing.
Ang panawagan ni Go para sa mas responsableng food marketing practices ay kaakibat ng kanyang mga hakbangin sa kalusugan, kabilang ang patuloy na operasyon ng Malasakit Centers, ang karagdagang pagtatayo ng Super Health Centers, at ang panukalang pagtatayo ng Regional Specialty Centers sa buong bansa. RNT