Home OPINION SEN. TULFO NAILUSOT MAGNA CARTA FOR SEAFARERS

SEN. TULFO NAILUSOT MAGNA CARTA FOR SEAFARERS

TILA hindi isang baguhang mambabatas si Senator Raffy Tulfo dahil mabilis niyang nagawaan ng paraan na mailusot o maipasa ang panukalang batas na Magna Carta for Filipino Seafarers.

Mukhang bihasa o nahasa sa pakikipagbalitaktakan ang baguhang senador kaya’t sinagot at nakipagdebate siya sa kanyang mga kasama sa Senado na kaagad niyang nakumbinsi ang mga ito na pagtibayin na ang panukalang batas.

Aba’y napakatagal nang nakabinbin sa Kamara ang panukalang batas na pinag-aralang mabuti ni Sen. Tulfo kung kaya’t nagawa niyang mailusot at magawang batas.

Ang mabilis na inaksyunang Magna Carta for Filipino Seafarers ay maituturing na landmark law ng bagitong mambabatas na nagbigay ng malaking pag-asa at tulong sa mga kababayan nating nagsasakripisyo  na malayo sa kanilang pamilya dahil sa pagtratrabaho bilang marino.

Posibleng isa sa dahilan kung bakit nanalo at halos nanguna sa nakaraang eleksyon ay dahil noong panahon ng kampanya para sa  halalan 2022 ay napakaraming Filipino seafarers ang humingi ng tulong sa sikat at pinagkakatiwalaan na radio program ni Sen. Tulfo ang “Wanted sa Radyo”.

Nabatid na nangungunang reklamo ng mga Pilipino marino ay ang masamang kalagayan tulad ng mababang pasahod at kawalan ng maayos at tamang benepisyo.

At dahil nangako si Idol Raffy sa seafarers, tinupad niya ang kanyang sinabing kapag naging senador siya ay isusulong niyang maging batas ang Magna Carta for Filipino Seafarers.

Hindi nabigo ang mga marino at tinotoo ng mediaman na ngayon ay mambabatas na ang kanyang binitiwang pangako noong halalan.

Kaya naman mas lalong lumaki ang respeto ng mga marinong Pilipino kay Idol Raffy dahil hindi ito natulad sa mga pulitikong magaling lang noong nangangampanya subalit nang maluklok na ay kinalimutan na ang mga mabubulaklak na salitang binitiwan sa mga botante.

Sa sponsorship speech ni Sen. Tulfo, ipinagdiinan nito na malaki ang naiambag sa ekonomiya ng bansa ng mga seafarers kaya’t nararapat lang na bigyan ang mga ito ng kaukulang proteksyon at benepisyo na naaayon sa International Labor standards.

Nakupo, halos kalahating milyon ang bilang ng mga marino na nakadeploy sa ibayong dagat at hindi maikakaila na bilyon-bilyon ang remittances na kanilang naiambag sa ekonomiya ng ating bansa.

Marunong talaga si Sen. Tulfo dahil hindi nito nakalimutang pasalamatan si Pangulong Bongbong Marcos Jr. na nag-sertipika bilang ‘urgent bill’  ang nasabing panukala gayundin sa mga kapwa senador na pumabor at nakiisa sa pag-apruba sa Magna Carta for Filipino Seafarers .

Previous articleCALOOCAN, VALENZUELA CITED FOR EXCELLENCE IN NEWBORN SCREENING PROGRAM
Next articleIka-apat na Pinoy, patay sa Israel-Hamas war