Home NATIONWIDE Senador naalarma sa P15.8T utang ng Pinas sa pagtatapos ng 2024

Senador naalarma sa P15.8T utang ng Pinas sa pagtatapos ng 2024

MANILA, Philippines- Matinding naalarma ang ilang senador sa lumulobong utang ng Pilipinas na aabot sa mahigit P15.8 trilyon sa pagtatapos ng 2024 base sa datos ng Bureau of Treasury na dumalo sa pagdinig ng P5.78-trilyong badyet ng gobyerno sa susunod na taon.

Sa ganitong senaryo, tinanong ng ilang mambabatas kung dapat tayong mag-panic o mag-aalala sa lumulubong utang.

Inihayag ni National Treasurer Rosalia de Leon na aabot sa P15.8 trilyon ang inaasahang utang ng bansa sa pagtatapos ng 2024, na may P1.9 trilyon sa debt service o pagbabayad ng interes lamang.

“How come the position is we should not worry about debts yet?” tanong ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III.

“How come Filipinos should not worry about their ballooning debt na ballooning na rin yung principal and debt payments, and yet ballooning pa rin si total amount to be paid?” giit pa ni Pimentel.

Tiniyak naman ni De Leon na “very manageable” at “sustainable” ang utang ng bansa.

Inaapula naman ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang takot ng ilan na aabot sa maraming henerasyon upang mabayaran ang dambuhalang utang ng bansa.

“May nagsasabi na mas maganda siguro kung mas manganak tayo ng maraming anak para lumaki ang population natin at pag lumaki ang population, mas maraming maghahati-hati ng utang, mas bababa ang per capita ng utang natin,” katwiran niya.

Kaya itinanog ni Dela Rosa sa economic team: “Tama ba sir sabihin natin sa mga Filipino nanood ngayon na pagdating sa national debt natin, don’t panic walang problema, kayang-kaya natin ito?”

Katulad ng palagi nitong ipinahahayag, tiniyak ni Finance Secretary Benjamin Diokno na pawang manageable ang utang ng bansa.

Katunayan, ayon pa kay Diokno, karamihan sa nilalaman ng national budget ay pawang pamumuhunan at pabor sa mahihirap.

“So don’t panic mga Filipino. Utang lang yan, kayang kaya,” ayon kay Dela Rosa.

Tulad ni Pimentel, nag-alala rin si opposition Senator Risa Hontiveros hinggil sa lumulubong utang ng bansa na lumaki sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Duterte at nadagdagan ngayon sa Marcos administration.

“Madali po sigurong sabihin wag tayong mag-aalala sa utang, pero tulad ni Sen. Koko nag-aalala po ako and sa totoo lang, di po tayo dapat mag-overpromise kung nag-a-underdeliver pa…” ayon kay Hontiveros.

“Normal lang po talaga mag-alala sa utang kasi nga people don’t feel protected and I think we need to stay in touch with that,” dagdag niya. Ernie Reyes

Previous articleSigaw ng mga raliyesta: ‘No to reclamation!’
Next articlePagiging expert witness ni Leachon sa Dengvaxia case kinuwestiyon