MANILA, Philippines – Mas bubusisiin pa ng dalawang komite ng Senado ang mga aktibidad ng umano’y kulto sa Surigao del Norte, kasabay ng pagsasagawa ng imbestigasyon ng mga ito at pupunta sa Socorro.
“Sa Socorro na siguro. We will go there kasi mas marami silang babiyahe dito. Alam mo na. Hirap din sa buhay ‘yan. Mamasahe papunta dito. So tayo na ang pupunta dun, tayo na ang mamasahe,” pahayag ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, pinuno ng committee on public order, kasunod ng unang pagdinig ng komite.
Hindi pa napag-uusapan ng mga miyembro ng joint panel ang schedule ng susunod na hearing na tatalakay sa umano’y mga pang-aabuso katulad ng systematic rape, sexual abuse, trafficking, forced labor, at child marriage
sa Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).
Sa kaparehong interview, sinabi ni Dela Rosa na hindi siya naniniwalang si Jey Rence Quilario, kilalang si Senior Agila, “was the one calling the shots” para sa SBSI.
“’’Di natin alam kung nag-drama-drama s’ya, pero sa nakita ko, mukhang somebody is controlling from behind. Kung sino itong somebody na ito, maybe some bodies are controlling from behind,” ani Dela Rosa.
“Figure head lang siya ginamit lang yung kanyang miraculous power to gain followership from among the people,” dagdag pa ng senador.
Sa bandang dulo ng pagdinig, itinanggi ni Quilario ang kaugnayan sa umano’y pang-aabuso na nagaganap sa Socorro, sabay-sabing siya ay “young and wasn’t able to finish his studies.”
Dito na nagsimulang mag-isip si Dela Rosa na posibleng nagagamit lang si Quilario bilang “figurehead” ng SBSI.
“Kawawa ka naman. Anong nangyari dito sa’yo? Ginagamit ka lang na figure head d’yan tapos taga-salo ka ng lahat ng problema,” sinabi ni Dela Rosa kasabay ng pagdinig.
Tumugon naman si Quilario at sinabing wala siyang ideya kung bakit siya pinili bilang lider ng SBSI, na itinalaga ni Rosalina Taruc, ang orihinal na lider ng organisasyon.
Nang tanungin kung siya ay kumikilos batay sa utos ni SBSI vice president Mamerto Galanida, negatibo ang sagot dito ni Quilario.
Sinabi niya na wala siyang kapasidad na gawin ang mga alegasyon laban sa kanya dahil hanggang second year high school lamang ang natapos niya.
Sa pagtatapos ng diskusyon, sumang-ayon ang senador kay Quilario at sinabing, “Kaya nga e. With the way you speak, hindi ako maniwala na you can manage SBSI composed of more or less 5,000 people tapos ikaw ang leader.” RNT/JGC