MANILA, Philippines – Ikinasa ni Senador Sherwin Gatchalian ang isang malalimang imbestigasyon sa nilusob na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Pasay City na may natuklasan na biktima ng pagmamalupit.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na nakapaghain ito ng resolusyon upang ipatawag ang lahat ng maaaring sangkot sa pagkakaroon ng POGO hub sa lugar na nagsasagawa ng illegal na aktibidad.
Kasabay nito, ikinatuwa naman ni Senador Risa Hontiveros ang pagkakasibak sa ilang opisyal ng Pasay City Police Station na maaaring sangkot sa POGO hub.
“I filed a resolution to investigate the Pasay City raid. Hopefully, this will be tackled within the week by the committee,” ayon kay Gatchalian sa statement.
Nitong nakaraang linggo, nilusob ng mga awtoridad ang POGO hub matapos ang ulat ng illegal activities, dito kabilang ang sex trafficking, love, at crypto scams.
Natuklasan din ng awtoridad ang iba’t-ibang uri ng gamit sa pag-torture sa isang kuwarto kabilang ang heavy-duty tasers, airsoft guns, baseball bats, at isang wooden club at ilang posas na nakakabit sa isang metal bar sa pader.
“It is obvious that organized criminal syndicates are already operating in our country as evidenced by the human trafficking victims and even the torture chamber,” ayon kay Gatchalian.
“These syndicates have already corrupted our enforcers, enabling them to operate freely even beside the police station,” dagdag niya.
Nasagip ng awtoridad ang pitong Filipino at dalawang dayuhan.
Naunang pinaimbestigahan ni Interior Secretary Benhur Abalos ang city police chief at ilang opisyal sa katabing substation dahil hindi maaaring hindi nito alam ang nangyayari sa kanilang paligid.
Samantala, ikinatuwa naman ni Hontiveros ang pagkilos ng PNP laban sa hepe ng pulisya ng Pasay.
“Lantarang pangto-torture at prostitusyon ang mga nangyayari sa isang napakalaking building, pero hindi nila alam? Imposible,” ayon kay Hontiveros.
Nakatakdang magsagawa ng ocular inspection ang Committee on women sa gusali sa Biyernes upang maintindihan ang lawak ng problema, ayon kay Hontiveros.
“We thank the Presidential Anti-Organized Crime Commission, the Inter-Agency Council Against Trafficking, and the PNP Women and Children Protection Center for leading the raid that revealed the illegal activities in this POGO and for rescuing victim-survivors of human trafficking” ayon kay Hontiveros.
“Paano nga ba nakalusot ito? The Pasay police officers were either negligent or complicit. Ang nakakabahala baka matagal na silang nasa bulsa ng mga Chinese mafia,” tanong niya.
Nasabi ni Hontiveros na hindi malayong may ilang pang police stations sa bansa ang komokonsinti sa POGOs. “Kaya hindi mahinto-hinto ang mga krimeng dala ng POGO sa bansa kasi baka may mga pulis na sadyang nagbubulag-bulagan.”
“In the meantime, the PNP leadership must further investigate similar patterns in other areas. The police are supposed to enforce law and order, not sanction crime and chaos,” ani Hontiveros. Ernie Reyes