MANILA, Philippines- Pinasesertipika bilang “urgent” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Senate version ng Maharlika Investment Fund bill.
Sa sesyon nitong Miyerkules, binasa ni Senate Secretary Renato Bantug ang mensahe ng Pangulo na may petsang May 22,2023, “certifying to the necessity of the immediate enactment of Senate Bill No. 2020” o ang Maharlika Investment Fund bill.
Nitong Disyembre 2022, nagpalabas si Marcos ng parehong sertipikasyon sa bersyon ng Kamara sa panukala. Binigyang-daan nito ang pagpapasa ng panukala sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa parehong araw.
Sa parehong sertipikasyon na ibinigay sa bersyon ng Senado, pinapayagan ang chamber na ipasa ito sa huling pagbasa sa loob ng isang araw.
Ang SB 2020 ay kasalukuyang nasa ilalim ng period of interpellations. Pagkatapos nito, maaari nang ilatag ng mga senador ang mga nais baguhin sa panukala bago ipasa sa ikatlo at huling pagbasa. RNT/SA