Home METRO Senglot balik-selda sa pagpapaputok ng baril

Senglot balik-selda sa pagpapaputok ng baril

SAN ISIDRO, ISABELA – Balik-kulungan ang isang mister na lango sa alak matapos magpaputok ng baril sa Purok 2, Brgy. Camarag, San Isidro, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Conrado Marzan Jr., 34-anyos, walang trabaho, at residente ng Brgy. Villaflor, San Isidro, Isabela.

Ayon kay PMaj. Grandeur Tangonan, hepe ng San Isidro Police Station, kasong paglabag sa RA 11926 o iligal na pagpapaputok ng baril at RA10591 o illegal possession of firearms and ammunitions ang isinampa nilang kaso laban sa suspek.

Una rito, nakatanggap ng impormasyon si Punong Barangay Captain Marlon L. Millan ng Camarag na isa sa kanyang ka-barangay na sakay ng isang motorsiklo ay naglabas at nagpaputok ng kanyang baril.

Nagkataon namang nakita ng Kapitan ang isang pulis na kabarangay nito na nakatalaga sa San Isidro Police Station kaya agad itong nakahingi ng tulong.

Sa pagtugon ng kapulisan, binarurot ng suspek ang sakay motorsiklo subalit dala ng kanyang kalasingan ay na-out balance ito at natumba sa kalsada kaya agad din itong naaresto ng mga humabol na pulis.

Nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang isang Glock Caliber 9mm pistol na may kasamang magazine na kargado ng walong bala at isa pang magazine na kargado rin ng labing pitong piraso ng bala ng nasabing baril.

Kaugnay nito, isinailalim na sa cross-matching examination ang baril at mga bala na nakumpiska mula sa suspek.

Hindi naman inaalis sa imbestigasyon at tinitignang anggulo ng pulisya ang posibleng pagkakasangkot ng suspek sa mga naunanang naitalang insidente ng pamamaril sa kanilang bayan.

Samantala, napag-alaman na dati ng nakasuhan ng kaparehong kaso ang suspek na naitala naman sa bayan ng Echague, Isabela. Rey Velasco

Previous articleProbisyon ng anti-political dynasty sa SK law, pinaaalis ng solon
Next article‘Pugot’ na ulo ni Kiko, nag-trending!