MANILA, Philippines – Nais ng mga mambabatas ng Makabayan bloc na ipawalang-bisa ng Korte Suprema ang sertipikasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill bilang urgent.
“When a President certifies a bill urgent only in one House of Congress, without finding it necessary to issue the same certification in the other House, that is a distortion and a grave abuse of discretion in the exercise of a presidential power under Art. VI Sec. 26 (2). [of the 1987 Constitution],” saad sa petisyon na inihain ng Makabayan bloc sa SC nitong Lunes, Pebrero 13.
Matatandaan na noong Disyembre 14 ay sinertipikahan ni Marcos bilang urgent ang House Bill (HB) 6608 o ang MIF Bill, sa pamamagitan ng sulat sa Kamara.
Nang binasa naman ito sa Plenaryo noong Disyembre 15, inaprubahan ang panukala sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob lamang ng isang araw.
Batay sa Konstitusyon at House rules, dapat na sumailalim sa una, ikalawa at ikatlong pagbasa ang panukala sa magkakaibang-araw, ngunit exempted dito ang mga panukala tulad ng MIF, na may presidential certification ng urgency.
Ang sertipikasyon ng urgency ng pangulo ay karaniwang ginagawa bilang tugon sa mga kalamidad o iba pang sakuna.
Dahil dito, iginiit ng Makabayan bloc na ang sertipikasyong urgent sa MIF ay unconstitutional dahil wala namang kalamidad o emergency na isinaad sa liham ni Marcos.
“Since the President did not certify a bill urgent in one House, the President is merely short-circuiting the legislative process in the other House,” sinabi pa sa petisyon.
Ang SC petition ay inihain nina Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, Assistant Minority leader at Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas, Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, Bayan Muna Chairman Neri Colmenares, at dating Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate.
Ang respondents naman nito ay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,
Executive Secretary Lucas Bersamin, at ang House of Representatives. RNT/JGC