MANILA, Philippines- Kakasuhan ang isang Chinese national na tatanggap sana ng biniling pagkain nitong Sabado matapos makita ang hinihinalang shabu sa dineliver na pagkain.
Dinala ang pagkain mula sa isang fast-food outlet nitong Sabado ng gabi sa isang saradong Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Williams Street sa Pasay City, ayon sa ulat nitong Lunes.
Sinalakay ang nasabing POGO hub kamakailan kung saan natuklasan ang umano’y torture chamber sa pasilidad nito.
Buking ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu, tinatayang P13,000, sa dineliver na pagkain.
“Ininspeksiyon itong isang order ng pagkain and it turned out na mayroon palang nakapalaman dito na dalawang sachet ng shabu at ‘yung mga foil… nakapaloob siya doon sa pagkain,” pahayag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz.
“Definitely, bumili muna ‘yan tapos nilagyan nila ng palaman. Tinago nila ‘yung akala nila lulusot na dahil hindi papansinin dahil akala nila pagkain ano,” dagdag niya.
Sinalakay ng mga awtoridad ang nasabing POGO hub sa Pasay City noong October 27 kasunod ng ulat ng ilegal na aktibidad, kabilang ang sex trafficking, love at crypto scams.
Dito ay natagpuan nila ang umano’y torture chamber sa loob ng nasabing POGO hub.
Ilang Chinese nationals ang nasa POGO hub habang gumugulong ang imbestigasyon sa umano’y human trafficking at torture complaints.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang delivery rider na nagdala ng pagkain.
Samantala, isinailalim naman ang Chinese national na recipient ng food delivery sa isang drug test.
Mahaharap siya sa kasong may kaugnayan sa illegal drugs, bukod sa reklamong kawalan ng permit para makapagtrabaho sa bansa. RNT/SA