Home NATIONWIDE Shabu lab sa cult-infested community patututukan ng Surigao gov

Shabu lab sa cult-infested community patututukan ng Surigao gov

MANILA, Philippines – Nakipagkita si Surigao del Norte Gov. Lyndon Barbers sa mga miyembro ng provincial interagency task force para imbestigahan ang umano’y shabu laboratory sa loob mismo ng cult-infested community sa Socorro.

Sinabi ni Barbers na ang imbestigasyon ng pulisya ay maaaring makumpleto na sa loob ng isang linggo o mas matagal pa, depende sa “complexity” ng kaso.

Ang imbestigasyon ay bahagi ng mas malaking pagsisiyasat pa na nais ni Senador Risa Hontiveros at Ronald dela Rosa, sa operasyon ng kulto na nambibiktima ng mga menor de edad.

Ayon kay Barbers, inihain na ang human rights violation cases laban sa lider ng kulto na si
Jey Rence Quilario ng Socorro Bayanihan Services, Inc. (SBSI).

Sa kanyang Senate Resolution No. 797, ipinanukala ni Hontiveros na magsagawa ng imbestigasyon sa SBSI members, at alegasyon ng systematic rape, sexual abuse, trafficking, forced labor, at forced marriage sa mga bata.

Naghain din ng hiwalay na resolusyon na Senate Resolution No. 796 si Dela Rosa, na nananawagan ng imbestigasyon sa kulto matapos na manindigan ang mga witness na nakakita sila ng isang shabu laboratory sa underground bunker, na nasa bisinidad ng “white house” sa Sitio Kapihan, Barangay Sering kung saan nakatira sina Quilario at iba pang lider.

Sa ilang live interview, sinabi ni Edelito Sangco, spokesperson ng Socorro Task Force Kapihan (STFK), na ang 22-anyos na si Quilario, kilala ng mga miyembro ng SBSI bilang si “Senior Agila,” ay itinuturing na bagong “messiah” o tagapagligtas, at umano’y reincarnation ng Senior Sto. Niño ng Cebu City.

Sinabi pa ni Sangco na nagtungo na ang National Bureau of Investigation sa nasabing bayan noon pang Mayo 4 para imbestigahan ang illegal na aktibidad ng kulto, batay sa pahayag ng whistleblower at naghain ng apat na criminal charges noong Hunyo 1 laban kay Quilario at iba pang lider ng SBSI.

Kabilang sa mga kaso ay ang qualified trafficking, kidnapping, serious illegal detention, at paglabag sa anti-child marriage at anti-child abuse laws.

Mayroon ding walong menor de edad na humingi ng tulong para maproteksyunan mula sa SFTK, ngunit bumalik ang dalawa sa komunidad nito matapos makakuha ang mga magulang ng “writ of habeas corpus” sa lokal na korte, ayon kay Sangco.

Itinanggi naman ni Mamerto Galanida, dating three-term Socorro mayor na host ng “Boses ng Agila” radio program sa 105.5 ALT FM na naka-base sa Socorro, ang alegasyon laban kina Quilario at iba pa.

“The speech of Senator Risa [Hontiveros] is the most unfair without going through due process,” ayon kay Galanida, long-time president ng SBSI.

Aniya, “the senator used parliamentary immunity when she spoke ill against us knowing that she could be charged if she spoke it in public outside the Senate.” RNT/JGC

Previous article‘Forced disappearance’ nina Castro, Tamano iimbestigahan ng CHR
Next articleRegulasyon sa forwarders hihigpitan pa ng BOC