GUADALUPE, Cebu City – NABUKO ng mga awtoridad ang pinaniniwalaan shabu na nakapaloob sa malaking karne ng litson na itinangkang ipasok sa loob ng Cebu City Jail ng isang menor de edad na dadalhin sana para sa isang person deprived of liberty (PDL), noong Miyerkules sa lungsod na ito.
Ayon kay JO1 Iris Basiliote, Jail officer ng CCJ sa Barangay Kalunasan, Cebu City, bandang 2:35 PM ng mahuli nila ang 17-anyos na binatilyo na siyang may dalang pagkain para sa PDL.
Sinabi ni Basiliote, dumaan ang suspek na itinago sa pangalan Rene, taga Talisay City, sa pedestrian area ng CCJ para iabot ang pagkain sa isang preso na nagngangalang Gerald.
Bilang protocol dumaan sa pagsisiyasat ang dalang pagkain at tumambad sa harapan ng jail guard ang malaking karne ng litson na may nakapaloob na shabu.
Kaagad naman tinurn-over sa laboratory ang nasabing shabu para pagsusuri at aalamin kung ilan gramo ang bigat nito habang dinala naman sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Guadalupe Police Station ng Cebu City Police Office (CCPO) si Rene sa karagdagang imbestigasyon at tamang kaukulang disposisyon./Mary Anne Sapico