Home OPINION SHABU SUPPLIER NI CUENCA HABULIN

SHABU SUPPLIER NI CUENCA HABULIN

SUMAMBULAT na balita sa buong bansa ang pagsunog ni Roldan Cuenca sa sarili habang bangag sa droga sa Butuan City, Agusan del Norte kamakailan lang.

Bukod sa kanyang sariling bahay, nasunog din ang ilang bahay na malapit sa bahay niya.

Naganap ang pangyayari matapos pabilhin ni Cuenca ang 13 anyos niyang anak ng dalawang galon ng gasolina.

Hindi inakalang gagamitin lang pala ni Cuenca ang gasolina na pampaligo saka sindihan ng posporo.

Hayun, nasunog nga ang buong katawan ng lalaki at natupok maging bahay nito at apat pang bahay na malapit sa kanilang bahay.

Ang dahilan ni mister, hindi umano nila pagkakaunawaan ni misis at problema pa ang kawalan daw ng trabaho.

NAKA-SHABU NANG MAG-SUICIDE

Itong pagiging bangag sa drogang shabu ni Cuenca ang isa sa mga dapat na bigyan ng pansin, mga Bro.

Naganap ang pangyayari sa Brgy. Limaha, Butuan City.

Sa antas ng barangay lamang, dapat matanong ang kapitan o tserman, kasama ang mga kagawad at tanod, kung paano naging adik sa shabu ang lalaki.

Dapat malaman kina kapitan kung sino-sino ang mga tulak sa kanilang barangay na pinagmulan ng shabu…kung meron.

Dapat malaman din kung sino-sino ang mga ka-jamming ni Cuenca sa droga…kung meron.

Hindi ba nila nasubaybayan ang pagkakaroon ng droga sa kanilang barangay?

May imbestigasyon na ba silang isinagawa, kasama ang Barangay Anti-Drug Abuse Council?

MGA PULIS, ANO NA?

Sino ba ang chief of police sa Butuan City sa araw na naganap ang pangyayari?

Nagtatanong tayo kung sino, mga Bro, dahil mabilis na nagpapalit ang mga may pwesto sa pulisya.

Si PCol. Marco Archinue pa ba?

Kung si Col. Archinue, huwag sabihin ng kanyang mga pulis na tapos na ang kaso lalo’t patay na ang pinagmulan ng sunog.

Col. Archinue, nagkaroon na ba kayo ng follow-up operations sa pagiging adik ni Cuenca?

Sino-sino ba ang mga nagtulak sa kanya na mag-shabu?

Kung hindi kaya ng mga nasa barangay ang mga pinagmulan ng droga o shabu ni Cuenca, ang mga pulis ang inaasahan ng iba na nadamay sa krimen para magkakroon sila ng hustisya.

‘Yun bang === ibang nasunugan ng bahay!

O, Col. Archinue, paano?

TRABAHO RIN NI MAYOR

Kapag nagkaroon ng kapabayaan ang pulisya at barangay sa pagtunton sa mga pinagmulan ng droga ni Cuenca, mga Bro, doon na tayo magsusumbong kay Mayor Engr. Ronnie Vicente Lagnada.

Mayor Lagnada, kayo na ang isa sa mga pinakahuling inaasahan sa pagkamit ng hustisya ng mga nasunugan na kagagawan ng isang adik sa shabu.

Mayroon na ba kayong narinig na pag-usad ng imbestigasyon sa pangyayari ukol kay Cuenca, halimbawa, sa tulak niya, sa druglord na pinagmulan ng droga at protektor ng mga ito…kung meron man?

Nababahala ang ULTIMATUM na masusundan pa ang ganito kalalang pangyayari sa Butuan City kung hindi masawata ang droga sa lungsod.

Previous articleLotto bettors sawi sa Araw ng mga Puso; napagkaitan ng P99M jackpot
Next articleMeralco magpapatupad ng refund sa Marso