MANILA, Philippines – Isinelda ang isang mangingisda matapos tangkain magpuslit ng shabu sa loob ng Custodial Facility Unit (CFU) ng Navotas City Police sa nasabing lungsod, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang naarestong suspek bilang si Robert Dela Cruz alyas “RJ”, 20 ng 236 Pantay-Pantay St., Brgy. Tangos South.
Sa imbestigasyon ni PSSg Eldefonso Torio, dakong alas-5:30 ng hapon, bilang pagsunod Standard Operating Procedure sa lahat ng bumisita sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa loob ng CFU ng Navotas police sa ilalim ng pangangasiwa ni PMAJ Felix Rivera ay sinuri ng naka-duty na jailer officer na si PCpl Jay-Ar Atanglan ang plastic bag na dala ng suspek na may laman pagkain.
Dito, nadiskubre ni Atanglan sa loob ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigit’ kumulang 5.5 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P37,400 na naging dahilan upang posasan ang suspek.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Boysan Buenaventura